NANG humarap si Navotas Rep. Toby Tiangco ay sinabi niya na disqualified si Sen. Grace Poe na tumakbo sa presidential elections sa 2016. Kulang pa umano ang kanyang residency.
Agad na naglabas ng pahayag sa media ang pamilya Binay at sinabi na wala silang kinalaman sa pahayag ni Tiangco.
Si Tiangco ang pangulo ng United Nationalist Alliance na siyang partido politikal na gagamitin ni Binay sa eleksyon sa susunod na taon.
Kaibigan umano nila si Poe at wala silang balak na makipag-away dito. Ipinaalala pa nila na sumuporta si Binay sa ama ng senadora na si Fernando Poe Jr., nang tumakbo itong pangulo ng bansa noong 2004.
Pero sa paglilibot ni Binay sa mga palengke sa Rizal kamakailan, sinabi niya na ang dapat umanong iboto ay ang tao na may karanasan.
Makailang ulit ng kinukuwestyon ang kakayanan ni Poe na mamuno dahil “bagito” pa umano ito. Hindi niya direktang pinangalanan si Poe, pero sino pa ba ang kinukuwestyon ng ganito?
Ayon sa UNA, si Binay ang magdadala ng ginhawa sa mahihirap.
Noong tumakbo siya sa pagkabise presidente noong 2010 ay naglabas siya ng TV commercial kung saan ipinapakita na siya ay galing sa mahirap na pamilya.
At mula sa pagiging mahirap ay milyonaryo na siya ngayon. Noong 1998 ang kanyang yaman ay P2.8 milyon, ayon sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Networth. At noong nakaraang taon, ang kanyang yaman ay lumago na sa P60 milyon.
Ang pangarap kaya ni Binay ay maging mayaman ang lahat ng Pilipino?
Ang ginagawa niya palaging halimbawa ay ang Makati City kung saan siya naglikod bilang alkalde, gayundin ang kanyang misis at ngayon ay ang kanyang anak.
Pero kung titingnan ang Makati marami pa rin namang mahirap di ba?
Ibig bang sabihin hindi rin yayaman ang lahat ng Pilipino kung siya ang magiging pangulo. Ang mabuti siguro ay huwag nating iasa sa mananalo ang ating pag-unlad.
Hindi lahat ng mahirap ay nagiging milyonaryo katulad ni Binay.
At kahit na maraming pondo ang Makati, binabaha pa rin ito (maisingit lang).
Mukhang poproblemahin din ni Binay ang business community kung mananalo siya dahil nga- yon pa lamang ay nagpahayag na ang mga ito ng kawalan ng tiwala sa kanya.
Sabi ng Institute of International Finance na mayroon silang pangamba kung si Binay ang mananalo.
Mas kampante umano silang makakapagnegosyo kung si Poe o si Interior Sec. Mar Roxas ang papalit kay Pangulong Aquino.
Kung hindi kampante ang mga negosyante, paano madaragdagan ang mga mamumuhunan sa bansa?
Kung kinukuwestyon ang magandang ekonomiya dahil hindi umano nararamdaman ng mga mahihirap, papaano kaya kung bagsak ang ekonomiya dahil walang nagnenegosyo?
Agad itong maramdaman ng mga mahihirap dahil magreresulta ito sa mataas na presyo ng bilihin.