HINDI man tuwirang inindorso, animo’y ikinampanya na ni Pangulong Aquino si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas matapos niyang purihin sa kanyang mga nagawa.
“Kay Secretary Mar Roxas: Nasa loob o labas ka man ng gobyerno, hindi tumigil sa panlalait sa iyo ang mga kalaban ng Daang Matuwid. Dahil nga may bilang ka, dahil talagang may ibubuga ka, nagpupursigi silang ibagsak ka. Palibhasa hindi nila kayang iangat ang sarili, kaya pilit ka nilang ibinababa,” sabi ni Aquino sa kanyang talumpati.
Nauna nang sinabi ni Aquino na si Roxas ang kanyang pambato, bagamat ilang beses siyang nakipagpulong kay Sen. Grace Poe sa harap naman ng plano niyang pagtakbo bilang pangulo sa 2016.
“Sa patuloy nilang paninira, ang mga kritiko mo na rin ang nagpapatunay na takot sila sa angkin mong integridad, husay, at kahandaan sa trabaho. Mar, pinatutunayan mo: You can’t put a good man down. Tulad ng pagtitiwala ng nanay at tatay ko, magtiwala kang alam ng taumbayan kung sino ang tunay na inuuna ang bayan, bago ang sarili,” dagdag pa ni Aquino habang pinupuri si Roxas.
Tahasang sinabi naman ni Aquino na dapat ay maipagpatuloy ang kanyang nasimulan, sa pagsasabing magiging referendum ng Daang Matuwid ang susunod na halalan.
“May sentimyentong umiiral na sa tingin ko, mahuhuli ng isang tanong, ang tanong po: Lahat ba ng ating naipundar, lahat ba ng ating pinaghirapan, maglalaho dahil lang sa isang eleksiyon? Sa ganitong pananaw, ang susunod na halalan ay referendum po para sa Daang Matuwid. Kayo ang magdedesisyon kung ang pagbabago bang ating tinatamasa ay magiging permanente, o tatanawin lang bilang tsamba at panandaliang pagbangon sa isang mahabang kasaysayan ng pagkakadapa,” dagdag ni Aquino habang ipinapakita naman sa video ang mga larawan nina Vice President Jejomar Binay, Poe at Roxas.
Samantala, bagamat binanggit si Binay sa simula ng kanyang talumpati, hindi naman siya kasama sa mga pinasalamatan ni Aquino sa kanyang talumpati, bagamat inisa-isa niya ang mga miyembro at dating mga miyembro ng Gabinete na nagsilbi sa kanyang administrasyon.
Inindorso pa ni Aquino ang agarang pagpasa ng Kongreso sa panukalang batas na Anti-Dynasty bill na animo’y patama kay Binay.
“Pero napapaisip po ako: May mali rin sa pagbibigay ng pagkakataong habambuhay na magpakasasa sa kapangyarihan ang isang tiwaling pamilya o indibiduwal. Ganyang kaisipan din ang dahilan kung bakit, noong may nagmungkahing manatili pa ako sa puwesto—kahit raw dagdag na tatlong taon lang—ako mismo ang tumutol dito. Di tayo makakasiguro kung malinis ang intensyon sa mga susunod, o kung nanaisin lang nilang habambuhay na maghari-harian para sa sariling interes. Panahon na para ipasa ang isang Anti-Dynasty Law,” aniya.
Umabot ng dalawang oras at siyam na minuto ang naging talumpati ni Aquino.
Muli namang inisa-isa ni Aquino ang umano’y katiwalian na kanyang dinatnan matapos ang termino ng kanyang pinalitan na si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
“Dinatnan natin ang taumbayang namanhid na sa walang humpay na alegasyon ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw. Ipinagmalaki sa atin, sapat na raw ang mga classroom, ‘yun pala umaabot sa apat na shift ang mga klase: may pumapasok na madilim pa, at may umuuwing madilim na, pero lahat sila naiwan sa dilim dahil hindi sapat ang oras ng pag-aaral,” sabi ni Aquino.
Muli ring isinulong ni Aquino ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) kung saan hinamon pa niya ang mga kritiko na magbigay ng alternatibong panukala.
Makailang ulit namang inubo ni Aquino dahilan para maantala ang kanyang pagsasalita. Sa umpisa ng kanyang talumpati, humingi ng paumanhin si Aquino sa desisyong hindi na makipagkamay dahil sa sama ng kanyang pakiramdam.