NAGPAKATATAG sina Danica Gendrauli at Jane Diaz ng Gilligan’s sa ikalawa at ikatlong sets para kunin ang 18-21, 21-17, 15-9 panalo sa Petron Sprint 4T nina Alexa Micek at Fille Cayetano upang umabante sa quarterfinals ng PLDT Home Ultera-Philippine SuperLiga (PSL) Beach Volleyball Challenge Cup 2015.
Ginawa ang laro noong Sabado ng hapon at sina Gendrauli at Diaz ay sinamahan ang Foton Hurricane nina Bea Tan at Pau Soriano na umabante sa Pool D sa 2-1 karta sa ligang inorganisa ng Sports Core at suportado ng ACCEL, Sands By The Bay at Maynilad.
Ang pagkatalo nina Micek at Cayetano ay nagresulta para mapatalsik na sila sa labanan para sa titulo.
Samantala, kinuha nina Fiola Ceballos at Patty Orendain ng Foton Tornadoes ang liderato sa Pool C sa pamamagitan ng 21-14, 15-21, 17-15 panalo kina Jusabelle Brillo at Jem Guttierez ng Meralco.
May 2-0 kartada ang Foton pero nakaabante pa rin ang Meralco na may 1-1 karta.
Ang iba pang nasa quarterfinals ay sina Len Corterl at Samantha Dawson ng Amy’s, Aileen Abuel at Rossan Fajardo ng Philips Gold, Gretchen Ho at Charo Soriano ng Petron XCS at sina April Rose Hingpit at Wensh Tiu ng Cignal HD Spikers B.
Knockout ang labanan sa quarterfinals na gagawin sa darating na Sabado para madetermina ang mga magtutuos sa semifinals at finals sa Agosto 8.
Ang mga magtatapat sa knockout game ay ang Amy’s vs Gilligan’s, Cignal HD Spikers B vs Meralco, Foton Tornadoes vs Philips Gold at Foton Hurricane vs Petron XCS.
Samantala, ang mga maglalaban-laban sa semifinals sa kalalakihan ay ang Cignal HD A, Centerstage, SM By The Bay A at Champion Infinity B.