PALAISIPAN para sa mga lokal na opisyal ng Zambales ang pagkakadiskubre ng mga boom na may marka ng China sa karagatan sa probinsiya.
Idinagdag ng mga opisyal na nakatakda silang magsagawa ng imbestigasyon para madetermina kung saan ito nagmula.
Natagpuan ng mga mangingisda ang kulay orange na containment booms, na may isang kilometro ang haba noong Biyernes tinatayang 5.5 kilometro (3 nautical miles) ang layo mula sa dalampasigan ng bayan ng Cabangan.
Ang isang floating boom ay isang pansamantalang barrier na ginagamit para mapigilan ang pagkalat ng oil spill.
Sinabi ni Zambales Vice Gov. Ramon Lacbain III na hindi pa tiyak kung saan nagmula ang mga boom.
“Although there are Chinese markings on the floating booms, it is too early to say that these came from the Scarborough Shoal or from China,” sabi ni Lacbain.
Ang pinag-aagawang shoal, na mas kilala bilang Bajo de Masinloc o Panatag Shoal ay tinatayang 230 kilometro (124 nautical miles) sa kanluran ng Zambales.
“The [origin of the] floating booms must be investigated. We have to know where these came from and why these were floating within the province’s waters,” dagdag ni Lacbain. Inquirer.net