PINALAYA na ang inarestong ministro ng Iglesia ni Cristo noong Sabado matapos ang mahigit isang linggong pagkakakulong sa city jail sa Dasmariñas, Cavite.
Pinakawalan si Bro. Lowell “Boyet” Menorca II, 38, ganap na alas-7 ng gabi kamakalawa matapos magpalabas ng release order si Dasmariñas City Assistant Prosecutor Emmanuel Rivera matapos na iurong ang kaso laban sa ministro, ayon kay Superintendent Joseph Arguelles, chief of police ng Dasmariñas City.
Nilisan ni Menorca ang jail kasama ang kanyang abogado na si Allen Blair Boy.
Sinabi ni Arguelles na wala namang impormasyon ang lokal na mga pulis kung saan papunta si Arguelles.
Ayon sa source, bago pinakawalan si Menorca, kausap niya ng maraming beses ang kanyang asawa sa cellphone na ibinigay ni Boy.
Idinagdag ng source na hindi binisita si Menorca ng kanyang mga kapamilya nang siya ay nakakulong sa city jail.
Si Menorca ay anak ng yumaong INC Administrative secretary na si Lowell Menorca.
Inaresto siya sa Dasmariñas City noong Hulyo 17 matapos umanong pagbantaan ang dalawang construction worker ng granada.
Kinasuhan si Menorca ng grave threats at illegal possession of an explosive.
Kinuha si Menorca na nakaposas habang nakatalip ang kanyang ulo ng jacket ng isang grupo ng mga lalaki na dumating sakay ng maraming mga sasakyan at dinala sa simbahan ng INC sa barangay Butag, Bulan, Sorsogon noong Hulyo 17, ayon sa kapitan ng barangay na si Benito Gliponeo
Ayon naman kay Bulan deputy police chief, Inspector Deo Cabildo, isang convoy ng anim na sasakyan na kinabibilangan ng SUVs, pick up at isang Toyota Innova ang dumating sa Bulan ganap na alas-11 ng umaga noong Hulyo 11 at nagpakilalang mga INC nang pahintuin ng mga lokal na pulis.
Ayon sa grupo, susunduin nila ang kanilang ministro para dalhin sa INC central office.
Umalis sila makalipas ang isang oras, bagamat ayon kay Cabildo hindi niya batid kung kasama nila si Menorca.
Nauna nang sinabi ng isang Antonio Ramirez Ebangelista sa kanyang post sa blog na kasama si Menorca sa siyam na umano’y tiniwalag ng INC o dinukot dahil sa pagiging kritikal sa simbahan.
Ayon pa sa blog, pinosasan si Menorca at tinakpan ang kanyang mukha ng puting tela habang pinamumunuan ang pagsamba sa Bulan.
Hindi naman malaman kung bakit napunta si Menorca sa Cavite kung saan siya nakulong. Inquirer