Mga ‘sana’ sa huling SONA ni PNoy

BUKAS ay matutunghayan ng buong bansa ang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino at siyempre kung ang mga ordinaryong mamamayan ang tatanungin, nais nila sanang makarinig ng magandang balita mula kay PNoy at hindi mga dagdag pahirap para sa mga mahihirap na Pilipino.

Inaasahan na natin ang pabonggahang kasuotan ng mga kongresista at mga senador na ginagawang fashion show ang taunang SONA ng isang pangulo.

Tiyak din ang gagawing walang tigil na palakpakan ng mga kaalyado ni Aquino sa kada pagsasalita ni PNoy sa kanyang talumpati sa SONA ngunit ang tanong, ito ba ay magdudulot ng magandang epekto sa mga arawang manggagawa?

Sa huling taon ni Aquino sa kanyang panunungkulan, matutuwa ang mga Pilipino kung ang maririnig kay PNoy ay may kaugnayan sa magandang balita, gaya ng trabaho, murang bilihin, mababang kuryente, at programa para maibsan ang kahirapan sa bansa.

Matutuwa din ang publiko kung ihahayag ni Aquino na irorolbak na muli ang pamasahe sa MRT at LRT na mahigit anim na buwan nang pasakit sa mga ordinaryong pasahero.

Narinig ang fare hike sa MRT at LRT sa nakaraang SONA ni PNoy noong 2014 at hindi bat napapanahon na ibalik na lamang ang pamasahe dahil hindi rin naman gumanda ang serbisyo sa ating public transport system. Bagamat suntok sa buwan na ito ay gagawin ni Aquino.

Nitong nakaraang mga araw, inihayag muli ng Ombudsman ang pagkaso sa ilan pang sangkot sa pork barrel scam ngunit wala pa rin sa listahan ang mga kilalang kaalyado ni PNoy na nauna nang lumutang na kabilang sa inirekomenda mismo ng NBI na kabilang sa dapat kasuhan.

Hindi kasi maisawan ng publiko na isipin, na kapag kaalyado ng administrasyon, hindi man lamang pinapanagot sa kanilang mga kasalanan. Ilang bang miyembro ng Gabinete ang paulit-ulit na naugnay sa PDAF scam pero dedma lamang ang Pangulo.

Dapat ay para sa lahat ang batas, maging kaalyado man o mga kritiko.

Dahil nga huling SONA na ni Aquino, umaasa ang lahat na gagawin na lamang ni PNoy ang nararapat bilang ama ng bansa at hindi nagiging mapamili sa pagpapatupad ng batas.

Sa ngalan po ng pagiging patas, nais kong bigyang daan ang naging sulat sa atin ng Social Security System kaugnay ng isyu hinggil sa panibagong pagtaas ng kontribusyon sa SSS.

Sa liham, itinanggi ni SSS Public Affairs and Special Events Division Vice President Marissu G. Bugante na may balak ang SSS na taasang muli ang kontribusyon ng SSS.

Niliwanag ni Bugante, na sa ngayon wala pang plano ang SSS na itaas ang kontribusyon ng mga miyembro. Aniya, ito ay isang opsiyon na tinitignan ng SSS kung maisasabatas ang House Bill 5842 na nagsusulong na dagdagan ng P2,000 ang pensiyong tinatanggap ng mga pensiyonado.

Idinagdag din ni Bugante na sa isyu naman ng P71.612 milyong bonuses ng mga opisyal ng SSS na ipinasasauli ng Commission on Audit (COA), ang sabi niya, ang Government Commission for GOCCS ang ahensiya na dapat tanungin ukol sa pagbibigay ng performance-based bonus sa mga opisyal at empleyado ng SSS.

Maraming salamat, Mam Bugante, sa inyong pagsagot sa ating kolum. Umaasa po ang ating mga miyembro ng SSS na wala ngang mangyayaring pagtataas ng kanilang kontribusyon dahil ito ay magiging dagdag pasakit para sa mga ordinaryong empleyado.

Read more...