DINALAW sa unang pagkakataon ni Comedy Queen Ai Ai delas Alas ang anak-anakan na si Jiro Manio pagka-tapos ipasok sa rehab recently.
Huling nagkasama ang “mag-ina” nu’ng dalhin niya si Jiro sa isang rehab facility three weeks ago.
That time kumalat sa social media ang balitang namatay si Jiro.
Sobrang affected si Ai Ai sa naturang balita dahil siya ang nagdala kay Jiro sa rehab. Kaya agad niyang tinext ang secretary ng doctor ni Jiro after niyang mabasa ang text sa kanya ng ama-amahan ni Jiro na si Daddy Andrew.
“Nagulat lang ako nu’ng tinext ako ng daddy ni Jiro, gabi. Sabi niya, ‘Hindi po ako makakain dahil po sa balitang patay na si Jiro. Bakit naman po sila ganoon?’ Syempre, nag-worry din ako, ‘Huh? Baka tumakas ba or something? Ano kaya ang nangyayari,” mga naglalaro raw sa isip ni Ai Ai.
Humingi siya ng update sa doctor ni Jiro at sinabi na okey naman ang young actor. Binigyan din daw niya ng anti-flu si Jiro para hindi magkasakit.
Nu’ng time na kausap namin si Ai Ai doon lang daw nalaman ni Jiro na may ganoong balita sa kanya.
“Sinabi ko sa kanya, kasi ayaw niyang magpa-picture, e.
So, nirerespeto ko naman ‘yun. Pero sabi ko, ‘Anak, ngayon kailangan tayong mag-picture. Kailangan kitang piktyuran kasi para malaman ng tao na hindi ka patay.
Sabi ko, kasi may lumabas sa Facebook patay ka. Tumawa siya. Ngayon ko lang siya nakitang natawa, ha. Usually, ngiti-ngiti lang ‘yun, e,” paglalahad ni Ai Ai.
Tinanong namin siya kung totoong ayaw makita si Jiro ng kanyang ama na Japanese, “Hindi pa naman din. Nahanap ko na rin. Pero hindi ko pa siya nakita.
Pero i-wish natin na tanggapin man lang siya or kausapin. ‘Yun lang naman ang gusto ni Jiro, e, makita siya at kausapin.
“Pero ngayon pa lang, inaano ko na siya na, hinahanda ko na siya na, ‘Anak, ganito ‘yan, ha, kapag magaling ka na, dadalhin kita sa Japan.
Pero doon huwag sasama ang loob mo kung ano ‘yung makikita natin, kung ano ang mae-experience natin. Basta gusto ko lang happy ka,” sabi ni Ai Ai.
Sa ngayon, nakakakilala raw si Jiro pero may lapses. Extreme depression ang findings kay Jiro. At mukhang may selective amnesia raw ang aktor, “Oo, may ganoon.
Kapag ayaw niya, kinakalimutan niya ‘yung istorya, e.” Sabi nina Marvin Agustin at Direk Wenn Deramas, kailangang magmula kay Jiro ang pagbabago, “Ah, si Marvin kausap ko naman parati.
E, nag-promsie naman siya sa akin, ‘Ma, tutulungan ko si Jiro.’ Sabi ko sa kanya, ‘Nak, huwag mong kalimutan ang kapatid mo, ha.’”
Naging kapatid ni Marvin si Jiro sa “Ang Tanging Ina” movies. Bukod kay Marvin, nagbigay din ng tulong ang isa pa sa mga kapatid ni Jiro sa nabanggit na movie na si Heart Evangelista, “Oo, nagbigay siya ng pera para sa rehab ni Jiro.
Si Carlo Aquino nangungumusta rin. Gustung-gusto rin niyang magbigay ng pera.” More or less P60,000 a month ang kailangang ibayad sa pagpaparehab ni Jiro.
At four months pa siyang kailangang gamutin. Nagbigay din ng financial help sina Gina Pareño at Lorna Tolentino na nakasama naman ni Jiro sa pelikulang “Magnifico.”
Paglabas daw ni Jiro sa rehab, ikukuha ni Ai Ai ng bahay ang binatang ama. At pagkatapos ay dadalhin niya si Jiro sa Japan. Next month nakatakdang pumunta sa Japan ang Comedy Queen with her family for a vacation.
“Pero pinahanap ko talaga ang father niya kahit nandito ako. Inayos ko na ‘yun. Pangako ko sa kanya ‘yun. Sabi ko, ‘Anak, pagaling ka, kasi pupunta tayo sa Japan.’
Alam ko kung saan nakatira ‘yung father niya.” Pero hindi pa raw ipinapaalam ni Ai Ai kay Jiro na alam na niya kung saan nakatira ang tatay ng young actor, “Huwag muna.
Tsaka kasi una, hindi pa naman natin alam kung kailan lalabas si Jiro, e. Baka mamaya magulo pa ang pamilya, e.”