POSIBLE umanong malaking dagok sa mga pulis ang naging resulta ng naunang imbestigasyon ng Ombudsman sa naging madugong engkuwentro ng mga miyembro ng special action forces (SAF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Mamasapano noong nakaraang Enero.
Ayon kay Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, kasama sa mga inirekomendang kasuhan ng Ombudsman ay mga "junior officer" ng Philippine National Police (PNP) na sumunod lang din naman sa utos ng kanilang mga opisyal.
"Isipin mo kung ikaw ay isang police superintendent or police inspector, or ikaw ay isang major, colonel, kapitan. Pag hindi ka sumunod sa utos na kunin mo 'yung terorista — in this case si Marwan — kakasuhan ka ng insubordination. Ngayong sumunod ka, pero di perfect 'yung operation at maraming namatay, pero nahuli 'yung terorista, kakasuhan ka pa rin," ani Cayetano.
Binigyang-diin pa ng senador, malaki rin umano ang implikasyon ng inilabas na rekomendasyon ng Omudsman sa nilulutong Bangsamoro Basic Law (BBL) na siyang bubuo naman sa isang rehiyong Bangsamoro.
Ayon pa kay Cayetano, dapat isaisip ng mga mambabatas na sumusuri ngayon sa BBL ang magiging relasyon ng mga pulis mula sa pambansang pamahalaan at ng mga pulis ng rehiyong Bangsamoro.
"Basahin mo 'yung buong BBL, di mo malalaman kung ano ang relationship ng SAF, CIDG, crime lab, at iba pang support service ng PNP sa administration nila doon. So ano ang sasabihin natin, may safe haven ang mga terorista at mga ilegal sa BBL?" ani Cayetano.
"Hindi ko nakikita na magkakaroon ng tunay na peace at maipapasa namin 'yung BBL, tapos, in meantime, ni isa walang nakasauhan sa pagpatay doon sa 44. Tapos 'yung survivors… sila pa nakasuhan ngayon," ani Cayetano.
Giit ng senador, buksan muli ang mga pagdinig ng Senado kaugnay sa insidente sa Mamasapano dahil makakatulong ito nang husto sa pagbuo ng mas malinaw na BBL.
"Gagamitin mo yung findings sa Mamasapano para pagandahin 'yung [mga probisyon] sa BBL," ani Cayetano.
Cayetano nais na mabuksang muli ang imbestigasyon sa Mamasapano
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...