UNA nang lumapit sa Bantay OCW si Marjoree Su- miguin upang humingi ng tulong hinggil sa kawalan ng pinansiyal na suporta mula sa amang seafarer.
Ayon sa kaniyang email na ipinadala sa bantayocwfoundation@yahoo.com, natulungan na namin siya noong nakaraang taon.
Matapos naming ipahatid ang reklamo, nagpadala na ang kaniyang ama noong Disyembre at binayaran pa ‘anya ng buo ang kaniyang tuition.
Nasundan pa iyon ng buwan ng Enero ngunit mula noong Pebrero 2015, hindi na uli ito nagpadala at hindi na rin umuwi sa kanila nang bumaba ito ng barko.
Nakaalis na rin ito noong Mayo nang hindi sila nagkikita.
Panay pa rin ‘anya ang pakiusap niyang padalhan sila ng kaniyang ina ng suporta pero hindi na rin ito nagpadala dahil malaki naman na ‘anya ang naibigay sa kanila.
Sisikapin ng Bantay OCW na muling maka-ugnayan ang ating seafarer sa pamamagitan ng kaniyang manning agency na siyang nagpapasakay sa kaniya sa barko.
Mas matagal magpauwi ng bangkay kaysa sa buhay.
Ito ang madalas banggitin ng ating pamahalaan dahil mas marami pang dapat isaayos kapag namatay ang isang OFW sa abroad, lalo pa kung hindi natural death ang sanhi nito at maaaring biktima ng krimen.
Ngunit ibang klase naman ang nangyari sa ating OFW sa Saudi. Ayaw ka-sing magbigay ng Special Power of Attorney (SPA) ang asawa nitong TNT (ilegal o hindi dokumentado) na nasa Australia.
Kailangan ang SPA ng asawa upang mapauwi ang bangkay. Wala na ‘anya siyang pakialam sa OFW dahil may asawa na siyang iba sa Australia at bukod pa doon, TNT pa siya. Magugulo lamang ‘anya ang kaniyang buhay.
Kaya naman nahirapan ang mga magulang ng OFW na mapauwi ang bangkay ng OFW. Mabuti na lamang at may 25-anyos pa palang anak ang OFW na naririto pa sa Pilipinas.
Matapos ilapit ng Bantay OCW kay Labor Attache’ David Des Dicang ang naturang problema, siya na mismo ang nakipag-ugnayan sa Office of the Undersecretary of Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affaris.
Binigyan nila ng authority ang anak ng OFW na siya na lamang ang mag-isyu ng SPA para sa pagpapauwi ng bangkay ng ama.
At matapos nga ang Ramadan, napauwi na ang bangkay ng ating OFW mula Saudi Arabia.
Kung may mga ari-arian ang ating mga OFW na hindi kumikita, tulad ng mga condo units, handa po kayong tulungan ng FPD Global Integrated Services. Ito ang paanyaya ni FPD President Jose Gil Perez at handa ‘anya silang maging kabahagi sa buhay ng ating mga OFW. Maaaring e-check ang kanilang website: mycitysuites.com.