Gagawin ni Kylie Padilla ang lahat para magkaroon ng maayos at masayang pamilya. Galing daw siya sa isang broken family kaya sana raw ay hindi naman ito mangyari sa kanya.
Sa presscon ng Buena Familia, sinabi ni Kylie na miss na miss na niya ang kanyang pamilya dahil nga watak na watak na sila ngayon. Nasa Australia ang kanyang ina at mga kapatid, habang may ibang asawa na ang kanyang amang si Robin.
Kaya sey ni Kylie, imposible nang mangyari ang wish nila na mabuo uli ang kanilang pamilya kasama si Binoe.
“Kapag nagpakasal ako, ‘yon na ‘yon. Ayoko ng divorce. Siyempre, I’m the daughter of…ayoko naman na tawagin na broken family.
“Seventeen years old ako nang maghiwalay sila. Mas mahirap kapag malaki na. Kasi pag bata, siyempre, masasabi ng nanay mo na ‘Ay ganito ang nangyari…’
“Kapag malaki ka na, may sarili ka nang pag-iisip. Hindi ka na maniniwala sa mga…sa mga pinagdaanan ko, medyo mas mahirap. Dapat sina Mama at Papa ang tanungin niyo,” nang kumustahin namin si Kylie kung ano siya bilang anak.
“Unang-unang itinuro nina Mama at Papa na kahit ano ang mangyari, ‘yung respeto nandoon pa rin.
Naniniwala ako na maganda ang pagpapalaki nila sa amin,” paliwana ng Kapuso leading lady na gaganap bilang panganay na anak nina Bobby Andrews at Angelu de Leon sa Buena Familia.
Kinumusta rin ng entertainment press ang kanyang mga kapatid, tugon ni Kylie, “I’d like to think na okey naman ako though sana, ‘yung distance namin, sana hindi ganoon ang kailangan na mangyari pero gusto ko na magtrabaho, eh.
“Isa ‘yon sa mga realities ng buhay na kailangan mong tanggapin. Hindi kami materialistic. Ang hinihingi lang nila sa akin is time. Nagagalit sila sa akin kapag matagal akong hindi pumupunta sa bahay ni Papa para makita sila. Doon lang sila nagagalit. Anything else, hindi.”
Sa ngayon ay independent na rin si Kylie, mag-isa siyang nakatira sa nabili niyang condo unit na bunga ng kanyang pagpapagod bilang artista. Pero pag-amin ng dalaga, malungkot daw ang mamuhay mag-isa.
Pero aniya, “Natutunan ko ang discipline sa bahay kasi ako ang naglilinis, everything. Hindi ako nagluluto. Pero, naglalaba ako. Saka ‘yung pag-aalaga…bills.. Matagal nang ako ang nagbabayad ng bills ko.” –EAS, Djan Magbanua