KASAL na lang daw ang kulang sa relasyon ngayon ng phenomenal loveteam ng ABS-CBN na sina Enrique Gil at Liza Soberano.
E, kasi nga raw, sa sobrang close ngayon ng dalawang bagets, talagang halos wala na raw silang maitatago sa isa’t isa, ganu’n na nila kakilala ang bawat isa simula ng maging magtambal sila sa super successful na seryeng Forevermore.
Sa interview ng Aquino And Abunda Tonight, sinabi ni Liza na “manugang” na ang tawag na ng lolo ni Liza kay Enrique. Gustung-gusto rin daw ng lola at mommy niya ang binata. Okey din naman daw ang young actor sa daddy niya, pero siyempre, lagi raw silang pinaaalalahanan ng mga ito na huwag magmadali sa pagkakaroon ng seryosong relasyon.
Sey naman ni Enrique, botong-boto rin ang mommy niya kay Liza, sa katunayan, type na type ng nanay ni Enrique na regaluhan ng kung anu-ano ang kanyang ka-loveteam.
Pagsang-ayon ni Liza, “Opo, totoo po. Ang daming gifts, may shoes, may bags.”
Gusto rin daw imbitahan ng ina ni Enrique si Liza sa isang family dinner, pero wala pa raw silang mahanap na tamang pagkakataon. Dito na nag-comment ang TV host na si Boy Abunda ng, “Kulang na lang pala kasal.” Na sinagot naman ng kinikilig na si Enrique ng, “Tito Boy totoo yan!”
At alam n’yo ba na pareho palang mahiyain ang dalawang bagets kaya hindi nila akalain na papasukin nila ang mundo ng showbiz. Sey ni Enrique, ayaw daw kasi niya noon ng atensiyon, hindi nga raw siya mahilig sumali sa school activities noong nag-aaral pa siya. Pero nang magkasakit daw ang tatay niya ng leukemia, at kumbinsihin siya na mag-try sa showbiz, sinubukan nga niya and the rest is history.
In fairness, talagang naka-jackpot ang ABS-CBN sa loveteam nina Liza at Enrique, kaya nga pagkatapos ng Forevermore ay binigyan agad sila ng launching movie na isa ring certified blockbuster. At very soon ay sisimulan na nila ang kanilang follow-up movie under Star Cinema.
Inamin din ni Liza na noong nakatakda silang magkita ng kanyang American mother after seven years, ay todo ang kabang naramdaman niya, “I was afraid that things would not be the same as before. Talagang hindi ako minsan nakakatulog. Sinasabi nga sa akin noon ni Quen, ‘Matulog ka na nga.”