Si Duterte, si Chiz at si Ate Vi

TIYAK na magiging kapanapanabik ang magiging bakbakan sa pangalawang pangulo sa darating na halalan. Higit na kaabang-abang ito sa kung sino-sino ang tatakbo sa posisyong ito.

Kaliwa’t kanan na ang mga espekulasyon sa kung sino ang magsisitakbo sa ikalawang pinakamataas na posisyon. Nariyan ang mga pangalan nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senador Chiz Escudero at Batangas Governor Vilma Santos.

Magiging mahigpit ang laban ng tatlong ito kung sakaling matutuloy nga ang kanilang kandidatura.

Sa tatlong inaasahang kandidato sa pangalawang pangulo, magiging adbantahe ni Duterte ang kanyang imahe na “kamay na bakal” na pamamahala. Ang mahigpit na pagpa-patupad ng batas at ang paglaban sa korupsiyon at krimen ang tiyak na magiging sentro ng kanyang mga isusulong na plataporma.

Si Escudero naman, maliban sa kasanayan sa usaping lehislatura, tanging magiging sandigan nito ay ang popularidad ng inaasahan niyang magiging ka-tandem na si Senador Grace Poe. Usap-usapan na umaaasa ang senador na madadala siya ni Poe at mananalo siya sa sandaling sila ay tumakbo sa iisang ticket.

Hindi naman dapat balewalain ang kakayanan ng aktres na si Ate Vi. Ang kanyang popularidad ay naririyan pa rin. Maliban sa mga solid Vilmanians, maraming kasamahang artista o silang mga nasa showbiz industry ang susuporta sa kanya. Bukod dito, hindi rin matatawaran ang kasanayan sa public service ni Ate Vi na hanggang sa ngayon ay naglilingkod at kinikilala ng mga Batangueño bilang mahusay na gobernador.

Sa tatlong inaasahang tatakbo sa pagkabise-presidente, si Escudero ang may pinakamahinang pinanghahawakang batayan para suportahan ng publiko.

Hindi dapat umasa si Escu-dero sa popularidad ni Poe.

Hindi nangangahulugan na ang boboto kay Poe ay boboto na rin kay Escudero.

Kailangang magtrabaho nang husto ni Escudero kung nais niyang makipagsabayan nang husto kina Duterte at ate Vi.

Samantala, bagamat nagsalita na si Ate Vi na malabo siyang tumakbo sa mas mataas na posisyon, tiyak na magiging kaabang-abang ang magiging labanan nila ni Duterte sakaling magbago ang isip niya.

Sawang-sawa na ang publiko sa usapin ng korupsiyon at krimen, gusto nilang mahinto na ito, at dito nakauungos si Duterte. Naniniwala ang marami na ang krimen at korupsiyon ay mapapahinto ni Duterte dahil sa kanyang “kamay na bakal” na polisiya.

Pero malaking usapin pa rin ang babae factor. Ito ang magiging adbantahe ni Ate Vi bukod pa sa kanyang pagiging artista. Hanggang ngayon, marami pa ring tagahanga si ate Vi di lang sa Metro Manila kundi maging sa Visayas at Mindanao.

Dikit ang magiging laban nina Duterte at Ate Vi. At umaasa rin tayo na gagawan naman ng paraan ni Escudero ang kanyang vice presidential bid upang makasabay sa dalawa at hindi lang basta aasa sa popularidad ni Poe.

Read more...