PNoy nagpasaring kay VP Binay

jejomar binay
NAGPASARING kahapon si Pangulong Aquino kay Vice President Jejomar Binay sa harap naman ng patuloy na pagbatikos ng huli sa administrasyon matapos siyang kumalas bilang miyembro ng Gabinete.

“At muli po, magpapasalamat ako sa ating mga miyembro ng senado’t kongreso na talaga naman pong sa araw na ito, walang kaduda-duda, pinakamatinding kritiko na ho natin magsasalita—sige, maghanap ka ng pruweba na hindi talaga naglilingkod ang ating mga kinatawan sa parehong kapulungan,” sabi ni Aquino sa kanyang mensahe matapos namang pirmahan bilang ganap na batas ang Philippine Competition Act at Liberalization of Philippine Cabotage.

Hindi naman direktang pinangalanan ni Aquino si Binay bagamat kamakailan ay tahasan na ang pagbanat ng bise presidente kay Aquino.

“Marami na nga po tayong nakamit sa limang taon natin sa panunungkulan. Muli nang naniwala ang Pilipino na kaya niyang makipagsabayan at makipagtagisan sa ibang bansa. Nakikita na nga po natin ang pagbabago: kung noon, natatakot pa tayong magtaya, ngayon, nakikita natin ito bilang oportunidad na umunlad; kung noon, nagdududa pa tayo sa ating kakayahan, ngayon handang-handa na tayong harapin ang anumang hamon,” ayon pa kay Aquino.

Read more...