SA anumang laban, laging may Plan B.
Minsan, ang Plan B, yun talaga ang Plan A. Itinatago lang muna pansamantala. Isang tambalan ang nalaman ko mula sa dalawang magkahiwalay na personalidad ang orihinal na Plan A ng oposisyon para sa halalan sa 2016.
Nakalimutan ko na sana ang tungkol dito, dangan nga lamang at may natisod akong bagong impormasyon.
Kinumpirma sa akin kamakailan ng isang source na hinarang sa Bureau of Customs ang tatlong container na naglalaman ng mga t-shirt mula sa China.
Tanong: Ano naman ang masama, mali, o ilegal di kaya sa mga t-shirt na ito mula sa China? Wala naman.
Pero ang nakaimprenta ang nakakaintriga.At ano ang naka-imprenta sa t-shirt?
“Erap-Poe”.
That’s right, three container vans with t-shirts imprinted with the message of “Erap-Poe” were held with the intention of preventing distribution of said shirts.
Ang Erap na tinutukoy ay si dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada at ang Poe na binabanggit ay walang iba kundi si Senador Grace Poe.
Sabi ng kausap ko, “Kung bakit kasi sa China pa nagpagawa, ang dami namang imprenta rito.
Mas mura nga dun pero, hayan tuloy ang nangyari, naharang.
Hindi naman ang pagpapagawa sa China ang problema kundi ang mensahe ng mismong t-shirt.
Ang totoo, nadinig ko na ang Erap-Poe na ito na huling baraha ika nga ng oposisyon mula mismo sa isang malapit kay Erap.
Pwede kong tanungin ang dating pangulo, pero tama na ang pahayag sa akin ng isa sa tao niyang alam kong noon pa man ay kasama na niya.
Yung impormasyon na naharang ang mga t-shirt na may tatak na “Erap-Poe” ay kumpirmasyon na lamang ng una kong nadinig.
Sabi pa ng ikalawang nakausap ko, “Si President-Mayor kasi, marami ang kumakausap sa kanya na tumakbong pangulo”.
Ang tanong ay ideya lamang ba ito ng ilang mga taong malapit kay Erap? Ideya ba itong alam din ng kampo ni Poe?
Malakas naman ba ang tambalang ito kung sakali? May dating ba ito kung sakali?
May mga sektor o grupo na seryosong nagsusulong ng Erap-Poe. But I doubt that this will materialize.
Kasado na ang tambalang Poe at Chiz Escudero. Ano ang pwedeng mangyari para mabaling ang kambiyo sa isinusulong na tandem na ito ng ilang grupo?
Ang totoo, ang nagla-labasang mga tandem o para sa halalan sa susu-nod na taon ay nagpa-patunay lamang na napakaluwag ng arena para sa labanan sa panguluhan at ikalawang pangulo.
Kung ito ang mangyayari, sa dulo, ang uupo sa palasyo, isang minority president.
Balik sa sinasabing Plan B na ang totoo, original Plan A, uubra ba ito sa puntong ito na umuusad ang negosasyon sa pagitan nina Poe, Chiz, Secretary Mar Roxas at Pangulong Aquino?
Sabagay, malayo pa ang official election period. Marami pa ang puwedeng mangyari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.