MAASIM, Sarangani— Inalis na ng mag-asawang Pacquiao ang kanilang apat na anak mula sa pinapasukang international school at inilipat ang mga ito sa isang pribadong paaralan sa General Santos City.
Ang dalawang anak na lalaki ngPambansang Kamao na si Manny Pacquiao at misis nitong si Sarangani Vice Governor Jinkee ay pawang mga English speaking na may British accent.
Ayon sa boksingero, nais niyang maranasan ng kanyang mga anak ang buhay probinsiya, at makita ng mga ito ang nakalakihang General Santos na tigib ng kahirapan noong kanyang kabataan pa.
Pagmamalaki naman ni Jinkee na nagugustuhan naman ng kanyang mga anak ang simpleng buhay sa probinsiya at hindi rin naman nami-miss ng mga ito ang maingay at magulong buhay ng Maynila.
“Maayos naman sila. Hindi naman sila nahihirapan at madali naman silang nakapag-adjust,” ayon pa kay Jinkee.
Sina Emmanuel Jimuel Jr. 14, Michael Stephen, 13, Mary Divine Grace, 8, at Queen Elizabeth, 6, ay dating pumapasok sa Brent International School sa Laguna. Ngayon sila ay nag-aaral sa Hope Christian School sa General Santos City.
Family stays together
Hindi naman naging problema ang paglilipat sa mga bata. Ayon sa vice governor, nang sabihin nila na magta-transfer na sila ng paaralan ay hindi naman nagreklamo ang mga ito.
“They are God-fearing, obedient and respectful,” dagdag pa ng bise gobernador.
Mainam na rin anya ang paglilipat sa mga ito sa General Santos dahil magkakasama na sila ngayon hindi gaya nang dati.
“Maigi na yung personal naming naaalalayan ang mga anak namin. Kailangan namin ito para lalo pang pagtibayin ang aming relasyon sa kanila at magabayan at mabigyan ng suporta,” anya pa.