SA wakas, nagkasama at nagkausap na uli ang mag-amang Nicco at Jose Manalo matapos ang ilang taong hindi pagkakaunawaan dahil sa naging problema sa kanilang pamilya.
Mismong ang award-winning actor ang nagkuwento na naging maayos naman ang “reunion” nila ng kanyang amang komedyante-TV host, pero aniya, hindi pa naman talaga masasabi na “back to normal” na ang relasyon nila.
“Okay po. Nakapag-usap na kami. Nagkita na kami. Pero mas nakikita ko ‘yung Mommy ko, mga kapatid ko pero okay kami. Nagkakausap kami once in a while,” ayon kay Nicco sa isang panayam.
Base sa naging pag-uusap nila, feeling naman ni Nicco, walang nagbago sa pakikitungo nila sa isa’t isa, “Nu’ng minsan na nagkita kami parang wala naman akong naramdaman na nagbago.
Ganu’n pa rin kami mag-usap.” “Siguro one day mapapag-usapan namin about it or baka hindi na pero hindi ko na siya naiisip,” sey pa ng binata na ang tinutukoy ay ang kontrobersiyal na paghihiwalay ng kanyang mga magulang na nauwi pa nga sa demandahan.
Hirit pa ni Nicco, “Okay kami noong nagkita kami. He said na proud siya sa akin. Nanood daw diya ng ‘The Janitor’ umiyak daw siya kasi naaawa siya kasi ginugulpi ako doon.”