Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Alaska Milk
(Game 4, best-of-7 Finals)
HINDI na nais ng San Miguel Beer na mabalam ang selebrasyon at pipilitin nitong tapusin ang Alaska Milk sa Game Four ng 2015 PBA Governors’ Cup Finals mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang Beermen ay nagposte ng 3-0 abante sa best-of-seven series matapos na manalo sa Game Three, 96-89, noong Miyerkules. Tinambakan nila ang Aces, 108-78, sa Game One at nakaulit, 103-95, sa Game Two.
Ang San Miguel Beer ang ika-14 koponan na nakapagtala ng 3-0 bentahe sa Finals. Sa kasaysayan ng liga walang koponan na nakabalik sa kalamangang iyon.
Subalit ayaw ni San Miguel Beer coach Leovino Austria na magkumpiyansa ang kanyang mga bata dahil alam niya ang kapabilidad ng Alaska Milk na makabalik. Nais niya na tapusin na ng Beermen ang trabaho mamayang gabi upang hindi na magkaroon ng momentum ang Aces.
Sa Game Three, ang Beermen ay pinamunuang muli ni Arizona Reid na gumawa ng 41 puntos upang dominahin ang kanyang karibal sa Alaska Milk na si Romeo Travis na gumawa lang ng 17 puntos. Nais ni Reid na patunayang siya ang dapat na itinanghal na Best Import.
Sa Game Two ay dinaig ni Reid si Travis sa scoring, 37-23. Sa Game One ay namayagpag din si Reid, 32-14.
Consistent din para sa Beermen si June Mar Fajardo na nag-average ng 16 puntos sa unang tatlong laro ng serye. Malaki ang posibilidad na mapanalunan ni Fajardo ang ikalawang sunod na Most Valuable Player award bago magsimula ang laro.
Ang taunang Leo Awards ay ipamimigay sa ganap na alas-5 ng hapon. Bukod sa MVP, ang iba pang individual awards na igagawad ay ang sa Mythical selection, Rookie of the Year at Sportsmanship awardee.
Hangad ni Austria na maiuwi ang kanyang ikalawang kampeonato bilang coach sa PBA. Magugunitang naihatid din niya ang Beermen sa kampeonato ng Philippine Cup.
Ang iba pang inaasahan ni Austria ay sina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot at Chris Ross.
Alam ni Alaska Milk coach Alex Compton na hindi nila basta-basta mabubura ang 3-0 bentahe ng Beermen at kailangang isa-isahin nila ang pagbawi.
Makakatulong ni Travis sina Calvin Abueva, Sonny Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at Chris Banchero.