HINDI umubra ang kisig at pa-cute ng isang kongresista sa isang magandang byuda ng isang namayapang mambabatas.
Dati pa man ay may lihim na palang may pagtingin itong si “Cong” sa kinakasama ng kanyang kapwa kongresista na galing din sa isang kilalang pamilya ng mga pulitiko dito sa Metro Manila.
Si “Girl” ay naging live-in partner din dati ng isang laos na ngayong aktor kung saan ay nagkaroon sila ng isang anak sa loob ng halos ay limang taon nilang pagsasama.
Makalipas ang maraming taon makaraan siyang iwan ng kanyang kinakasamang aktor ay muling tumibok ang puso ni Girl.
Madali siyang na-in-love sa isang hiwalay sa asawang kongresista na mula sa isang mayaman at maimpluwensiyang pamilya.
Tumagal nang halos ay pitong taon ang kanilang pagsasama hanggang sa mamatay ang mister dahil sa sakit.
Sa lamay pa lamang ng naturang mambabatas ay napansin na ng ating cricket ang kakaibang tingin ng ating subject na kongresista doon sa byuda ng namatay na congressman.
Inakala ng ating cricket na nakikiramay lamang si Cong pero nag-level-up ang diskarte nito nang makuha niya ang cellphone number ni Girl.
Makalipas ang 40-days ay sinimulan na ni Cong ang kanyang diskarteng-bulate.
Nagsimula sa pagpapadala ng pagkain hanggang sa isinasama na niya si Girl sa ibat-ibang mga social events para raw madali itong makalimot sa pagkamatay ng kanyang dating partner.
Dumating ang pagkakataon na nagtapat ng pag-ibig ang feeling-pogi na kongresista mula sa isang lungsod dito sa Metro Manila.
Hindi tinanggap ni Girl ang iniaalok na pag-ibig ni Cong dahil pamilyadong tao nga naman ang mambabatas.
Pero sadyang mapilit ang ating bida kaya ipinagpatuloy niya ang panunuyo sa dating live-in partner ng dati niyang kasamahan sa kamara.
Pero nanindigan si Girl sa desisyon na “friendship” lamang ang maibibigay nya kay Cong.
Nagbanta rin si Girl na isusumbong niya sa misis ng mambabatas ang panliligaw ng kongresista.
Sa puntong iyun ay natauhan ang ating subject at tuluyan na niyang iniwasan ang magandang Girl.
Bukod pala sa takot kay misis ay ayaw ding masira ni Cong ang kanyang magandang imahe sa kanilang lungsod na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA.
Ang kongresista na binasted ng isang magandang balo ay si Cong. G.B….as in Gwapitong Baduy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.