Mayweather may makakalaban na

MAY makakatunggali na si Floyd Mayweather Jr. sa huling laban niya ngayong darating na Setyembre.
Ayon sa isang ulat na lumabas sa website na The Sweet Science si Haitian-American boxer Andre Berto ang makakasagupa ni Mayweather sa laban niya sa Setyembre 12.

Naiulat ni Michael Woods sa The Sweet Science na sina Mayweather at Berto ay maghaharap sa isang laban na mapapanood sa CBS, na isang commercial broadcast network, at hindi sa pay-per-view.

Nangangahulugan naman ito na hindi kikita ng malaki si Mayweather sa sagupaan nila ni Berto kumpara sa kanyang mga huling laban kabilang na ang tinatayang $180 milyong kikitain niya sa laban nila ni Manny Pacquiao noong Mayo.

“He will get paid around what he has been guaranteed for every fight within his six fight deal with Showtime, which ends after this bout, something like $30-35 million,” sabi ni Woods. “Because the fight won’t be on pay-per-view, and Floyd won’t get a big taste of those extra monies, his pie will be sweetened via sponsorships and the like. The scrap will be marketed as a ‘give back’, an ice cream cone for fans bummed by getting wallet burned watching #MayPac (the Mayweather-Pacquiao fight).”

Si Berto, na may palayaw na “The Beast,” ay may 30-3 ring record at manggagaling siya sa technical knockout panalo laban kay Josesito Lopez sa huling laban niya noong Marso.

Matagumpay din na naidepensa ng 31-anyos na si Berto ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight title ng limang beses bago nakalasap ng unang pagkatalo sa kamay ni Victor Ortiz noong Abril 2011.

Subalit matapos ito ay nahablot ni Berto ang International Boxing Federation (IBF) welterweight crown mula kay Jan Zaveck.

Bagamat pinapaboran si Mayweather, na sinimulan na ang ensayo noong isang araw, si Berto ay may mahusay na boxing career at inaasahang magbibigay ng matinding pagsubok sa wala pang talo na Amerikanong boksingero.

Ang 23 sa 30 panalo ni Berto ay pawang mga knockout at ang kanyang punching power ay magsisilbing matinding armas niya laban kay Mayweather na kilala sa kanyang mahusay na diskarte sa loob ng ring at depensa.

READ NEXT
Gwangju trip
Read more...