Marvin, Direk Wenn handang bigyan ng tulong si Jiro paglabas sa rehab

marvin agustin

SIGURADONG may trabaho na si Jiro Manio paglabas niya ng rehabilitation facility kung saan ipagpapatuloy ang pagpapagamot sa dating child star matapos ngang malulong sa masamang bisyo at mapariwara ang buhay.

Bukod sa tulong na ibinibigay ng ina-inahan niyang si Ai Ai delas Alas na siyang sasagot sa pagpapa-rehab ng aktor, ilan pang celebrities ang nangako ng assistance para mabigyan ng bagong buhay si Jiro.

Tulad na lang ng businessman-actor na si Marvin Agustin na nagsabing marami siyang pwedeng ibigay na trabaho kay Jiro dahil nga sa dami ng kanyang mga restaurant.

Sa thanksgiving presscon ng afternoon series ng ABS-CBN na FlordeLiza, siniguro ni Marvin na handa niyang tulungan si Jiro kung handa na itong magbagong-buhay.

Isa si Marvin sa mga kuya ni Jiro sa showbiz, nagkasama sila sa pelikulang “Ang Tanging Ina” ni Ai Ai.
“Ang pinag-usapan namin ni Mommy Ai Ai is ano yung plano nung bata? Actually masarap magsimula doon pag naging maayos na yung takbo ng buhay niya.

Dahil hindi lang ako or si Mommy Ai ang gustong tumulong sa kanya, maraming tao, dahil alam natin kung gaano siya kagaling, pero dapat magsimula sa kanya kung ano yung gusto niya,” paliwanag ng Flordeliza actor.

“Ako, marami akong puwedeng ibigay sa kanyang trabaho. I‘m sure ABS-CBN, ang daming roles ang naghihintay para sa kanya. Yung pagkahanda lang ng tao, iyon ang hinihintay natin,” aniya.

Para naman sa direktor ng Flordeliza at ng “Ang Tanging Ina” na si Wenn Deramas, naaawa siya kay Jiro pero kailangan daw sa kanya muna magsimula ang pagbabago.

“Nanghihinayang ako kasi sa mga anak, isa iyan sa mga mahusay. Sa ‘Tanging Ina Part 2’ sa kanya ko binigay yung pinakamabigat na eksena with Ai Ai kasi naniwala ako sa galing nung bagets,” ani direk Wenn.

Dugtong pa niya, “Sayang, kasi naniniwala ako na ang childhood ang foundation nung pagkatao natin lahat. Kung maganda yung childhood, maganda yung paglaki.

Ang nangyari kasi kay Jiro maaga siya nagkaroon ng lahat bagay, too much of everything. “Kung ipinakita mo na gusto mo na magbago, ready na kami, tutulong kami pero hindi yung kami ang mag-aahon sa iyo kasi wala kaming magagawa pare-pareho kung ayaw mo.

Pero pag gusto mo, nandito kami,” chika pa ng direktor.

Extended ng one month ang FlordeLiza na pinagbibidahan nina Marvin, Jolina Magdangal, Desiree del Valle at ng dalawang child stars na sina Rhed Bustamante at Ashley Sarmiento bilang sina Flor at Liza.

Inamin ni Jolens na lahat sila sa serye ay nalulungkot sa pamamaalam ng FlordeLiza, “Sa totoo lang may kaunti na akong separation anxiety kasi kumbaga wala kaming naging problema sa grupo.”

Hirit pa ni Jolens, “Pa-ending na parang hindi namin namalayan na seven months kaya medyo nakakalungkot isipin na malapit na talaga siya matapos.”

Sey naman ni Marvin, “Sabi nga ni Jolina masaya ‘yung time na nag-taping kami tapos na-delay, so ginawa namin nagparty-party, ang wini-wish nga namin ay magka-Christmas party ulit.

I’m very thankful for the show.” Naging emosyonal naman si Desiree habang ginaganap ang presscon, hindi nito napigilan ang sarili na mapaiyak, “Thank you po sa lahat ng suporta na ibinigay nila sa FlordeLiza.

It’s sad to say na, mami-miss ko lang silang lahat.”  Napapanood ang FlordeLiza araw-araw pagkatapos ng It’s Showtime.

Speaking of Desiree del Valle, ibinalita rin ng aktres na engaged na siya sa boyfriend na si Boom Labrusca, isa ring aktor at TV host. Tatlong taon na silang magkarelasyon ni Boom.

Tumangging magdetalye si Desiree tungkol sa plano nilang wedding, pero aniya, “We don’t plan things like that and most probably it’s not going be a big thing because both of our parents are in the States, nandu’n ‘yung mommy ko, nandu’n din ‘yung mommy niya siyempre if ever that happens gusto ko sa amin na lang.”

Read more...