Erik, Angeline nagsasabihan na ng ‘I Love You’ sa isa’t isa

erik santos

“AYAW naming lagyan ng label!” Ito ang sinabi ni Erik Santos tungkol sa estado ng relasyon nila ngayon ni Angeline Quinto.

“What we have right now, sobra kaming nage-enjoy, sobra kaming kumportable sa isa’t isa and ayaw naman naming i-mislead kayong lahat na sasabihin namin kami, pero sa totoo lang, hindi naman.

“Actually, hindi naman po talaga kami pa. Pero kung sasabihing more than friends, maybe we’re more than friends kasi we’re not dating anyone naman and kung lalabas kami, kami lang talaga,” ang pahayag pa ni Erik nang kulitin pa sila ni Angeline ng entertainment press na dumalo sa presscon ng concert nila na gaganapin sa Araneta Coliseum sa Aug. 15, produced ng Cornerstone Concerts.

Sabi naman ni Angeline, “Everytime na may lakad si Erik or lalabas siya ng bansa, alam ko namang lahat ‘yun. Ultimo pagligo niya, alam ko.

Pero never naman po kaming nagsabay, ha,” natatawa pang biro ng biriterang singer. Ang daming pasakalye nina Erik at Angeline tungkol sa relasyon nila kaya sa huling bahagi ng presscon tinanong uli sila kung sila na, “Ngayon, hindi pa rin po kami.

Kasi, kagaya nga po ng sinabi niya kanina, kung anuman po ‘yung meron kami ngayon, sobrang kumportable kami, so ayoko naman po na pilitin ‘yung sarili ko na maging kami agad.

Ayoko po kasi ng parang tipong pag nasa relasyon, eh hinihigpitan ako, hindi po ako ready ulit na maging ganu’n,” sagot ni Angeline.

At isa sa dahilan kaya ayaw pa ng Queen of Teleserye Theme Songs na magkaroon ng boyfriend ay dahil “nasakal” siya sa nakaraang relasyon niya, “Sobra.

Ayoko po ng ganu’n. Pero si Erik, nakikita ko naman na hindi siya ganu’n, pero sana nga po, makapaghintay siya.”

Hindi naman itinanggi ni Erik na nagsasabihan na sila ng “I love you” ni Angeline, “Honestly, opo. Nandu’n na kami sa ganu’ng level talaga.”

At ang isinasagot naman daw ni Angeline sa kanya ay, “I love you more!”  Pagkatapos ng presscon ay kinulit namin ng katotong Vinia Vivar kung totoong nagseselos si Erik kay Coco Martin na kasama ngayon ni Angeline sa seryeng Ang Probinsiyano mula sa Dreamscape Entertainment.

“Hindi naman selos. Siguro more of parang medyo nag-ano lang ako, before nang malaman ko na magkakaroon sila ng project together.

So parang, ‘Ay ganu’n?’ So everyday, magkakasama sila. Kumbaga, katanungan lang naman,” pagtatapat ng binatang singer.

So, may pag-aalinlangan si Erik kay Angeline? “Hindi naman. Normal lang naman na maka-feel ng ganu’n, di ba? Na maka-feel ng selos,” sagot nito.

Siniguro naman ni Angeline na walang dapat ipagselos si Erik kay Coco dahil matagal nang nawala ang crush niya sa Teleserye King.

Pero hiniritan pa rin namin kung ginagamit pa ni Angeline ang bigay na mug at kuwintas ni Coco sa kanya, “Ate Reggee, i-text mo na nga lang ako ha, kung anu-ano tinatanong mo.

Wag na nating pag-usapan ‘yun,” natatawang sabi sa amin ng dalaga habang nakatingin lang si Erik.
At dahil binansagan silang King and Queen of Theme Songs at bawa’t isa ay nakapag-record na ng mahigit 30 songs kaya tinanong kung ganito rin karami ang kakantahin nila sa Araneta concert nila.

“Mamimili po kami kasi kung lahat ‘yun, kulang na sa oras,” sagot ng dalawa.  Anyway, ang mga media sponsor ng “Erik Santos And Angeline Quinto At The Araneta Coliseum” ay ang mga sumusunod: Academy of Rock, ASAP20, MYX, MOR 101.9, Yes FM 96.3 Easy Rock, Manila Concert Scene, nandiyan din ang Astroplus, Boardwalk, Gan Advance Osseointegration Center, Dra. Vinia Javella of Advance Aethetics, Felicidad Mansion and Taverna Malolena Catering Services.

Read more...