US kumilos para makumpiska ang $12.5M na ari-arian ni Janet Lim Napoles

Jeanne-Catherine-Lim-Napoles
KUMILOS ang US Justice Department para makumpiska ang tinatayang $12.5 milyong ari-arian ng tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Napoles.
Naghain ang US ng civil forfeiture complaint kaugnay ng mga pag-aari ni Napoles, kabilang na ang isang condominium sa Los Angeles, isang motel malapit sa Disneyland, at isang Porsche Boxster na binili ni Napoles para sa kanyang anak na babae na mula umano sa pondo para sa development at disaster relief.

Inihain ang kaso sa Los Angeles Federal District Court. Milyong-milyong piso umano ang binayad ni Napoles sa mga mambabatas at iba pang opisyal mula 2004-2012 para makuha ang tinatayang $200 milyong pondo na inilaan para sa mga mahihirap na Pinoy.

“The Justice Department will not allow the United States to become a playground for the corrupt or a place to hide and invest stolen riches,” sabi ni Assistant Attorney General Leslie Caldwell sa isang pahayag.

Idinagdag ng US Department na inilipat ni Napoles ang tinatayang $12 milyon sa mga account sa US sa ilalim ng pangalan ng kanyang pamilya at ginamit para bumili ng isang condominium sa Ritz-Carlton Hotel, motel, at iba pang mga ari-arian.

Read more...