“KUNG trip nilang pagtripan ako, wala na akong magagawa!”
Ito ang naging komento ng Kapuso actor na si Martin del Rosario nang matanong kung naaapektuhan pa ba siya sa walang kamatayang tsismis na isa siyang bading.
Sa isang ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Martin na manhid na siya sa nasabing chika dahil paulit-ulit na lang daw na iniisyu sa kanya ang kanyang tunay na kasarian.
“Paulit-ulit na kasi yan eh. Hinahayaan ko na lang. Kung trip nilang pagtripan ako, hindi ko babasagin ‘yung trip nila. Hayaan ko na lang talaga.
Wala na akong comment. Hindi na ako magbibigay ng statement kasi paulit-ulit na rin lang,” anang binata.
Sa kabila ng mga tsismis sa kanyang gender, hindi natatakot si Martin na gumanap na beki sa pelikula o sa teleserye, o sa mga drama series ng GMA 7, “Okay lang sa akin kasi mas challenging ‘yung mga roles, mas gusto ko.
Kaya kahit sinasabi at lagi akong nababalita na gay sa mga news, parang it doesn’t stop me to do more gay roles kasi parang malilimitahan ‘yung craft ko.”
Hirit pa ng binata sa nasabing panayam, “Kumbaga, nandito ako para magtrabaho, para galingan ko ang pag-arte tapos kapag hindi ako tumanggap ng mga ganyan (gay roles), parang ako yung nalilimitahan.”
Kilala si Martin bilang magaling na aktor na palaban din sa paghuhubad, okay lang ba sa kanya na mag-frontal nudity sa isang proyekto?
“Kung ako, parang okay lang lalo na kung art naman ‘yan. Kaso siyempre kailangan ko ring kausapin ang management ko kasi sila ‘yung may alam lalo na sa image ko, yung career ko.
“Pero kung ako lang ‘yung gagawa ng wala ‘yung management ko, okay lang basta maganda. Kumbaga, hindi lang for the sake na maghubad lang. ‘Yung tipong malaki ang maitutulong sa ikagaganda ng movie,” tugon ng binata.
Handa rin ba siyang magkaroon ng love scene at kissing scene sa kapwa lalaki, “Dapat mabasa ko muna ‘yung script. Kailangang basahin muna. Importante iyon.”