Maraming nagtatanong sa amin kung bakit replay raw ang episode ng Wowowin nu’ng nakaraang Linggo nang hapon.
Wala kaming maisagot dahil wala rin kaming alam na dahilan kung bakit. Sa pagkakaalam namin ay dalawang episodes ng kanyang show ang ginagawa ni Willie Revillame, dalawang sultada na ipinalalabas nang magkasunod, baka naman dahil sa bagyo ay hindi sila nakapag-taping.
Puwede ring baka hindi humabol ang editing ng itineyp nilang episode, maraming aberyang nangyayari sa production, kasama na ang pagkahuli ng editing kaya hindi naipapalabas ang programa na may bagong materyales.
Si Willie mismo ang prodyuser ng kanyang show, siya ang nagpapatakbo ng lahat-lahat ng aspeto ng kanyang programa, kaya kahit ano ay puwede niyang pagdesisyunan.
Mula nu’ng May 10 nang simulan ang Wowowin ay palaging nangunguna sa rating ang show ni Willie Revillame, isang napakalaking sorpresa nu’n para sa aktor-TV host, dahil nandiyan pa rin ang kanyang mga loyalistang sumusuporta sa kanya.
Kahit sa ibang bansa ay hinahanap si Willie, siya ang itinuturing na pansamantalang gamot sa kalungkutan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga may edad na niyang tagahanga.
Hindi nabigo si Willie sa kanyang pagbabalik pagkatapos nang mahigit na isang taon. Ang Wowowin niya sa GMA 7 ngayon ay tinututukan pa rin ng mga kababayan nating kapuspalad dahil napakarami nang buhay na binago si Willie Revillame dahil sa mga ipinamamahagi niyang biyaya sa kanyang show.