ITINALAGA si Police Director Ricardo Marquez bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Inihayag ni Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II ang pagkakahirang ni Marquez sa Camp Crame kahapon.
Si Marquez ang dating pinuno ng Directorate for Operations.
Papalitan ni Marquez si PNP officer in charge Deputy Director General Leonardo Espina na nakatakdang magretiro.
Umabot ng pitong buwan na walang permanenteng PNP chief matapos namang masuspinde at tuluyang matanggal sa serbisyo si dating PNP chief Alan Purisima.
Nakatakdang magretiro si Espina sa Hulyo 19, bagamat naakatakda ang turnover sa Hulyo 17.
Si Marquez ay miyembro ng Philippine Military Academy class of 1982. Lima ang pinagpilian bilang PNP chief.
Kabilang sa mga kasamang kinunsidera bilang PNP chief ay sina Deputy Director General Danilo Constantino, chief directorial staff; Deputy Director General Marcelo Garbo, deputy PNP chief for operations; ang sinibak sa serbisyo na si Chief Superintendent Raul Petrasanta; Police Director Benjamin Magalong, Crime Investigation at Detection Group chief; at Police Director Juanito Vaño, directorate for logistics head.
Noong Hunyo, ipinatawag si Marquez at kaklaseng si Constantino sa Malacanang.
Nakatakdang magretiro si Marquez sa Agosto 26, 2016.
Bago ang kanyang pagkakatalaga, naugnay si Marquez sa maraming kontrobersiya, kabilang na ang umano’y nawawalang allowance ng mga pulis na nagserbisyo sa pagbisita ni Pope Francis. Ayon sa mga opisyal, hindi nila natanggap ang kabuuang P2,400 allowance.