PAANO pagtatagpuin sa gitna ang paniwala at tiwala sa integridad ni Commission on Election Chairman Andres Bautista at ang patuloy na pinagdududahang sistema ng PCOS na malamang kaysa sa hindi ay siya pa ring gagamitin sa susunod na halalan?
Integrity and credibility is the heart and soul of the upcoming 2016 elections.
Hindi maaaring may tiwala sa nakaupong liderato ngunit may agam-agam naman sa sistemang dadaluyan ng sagradong pasya ng mga mamamayang may karapatang bumuto.
Yun naman ang pa-ngako ni Bautista: ang tiyakin na may magaganap ngang halalan sa Mayo, 2016 at kaakibat ng pangakong ito ay ang masi-guro din ang integridad at kredibilidad ng halalan.
Kaya nga paano mo paghihiwalayin ang tingin kung ang dalawang bagay na ito ay magkatuwang?
Ang tiwala sa kanyang pagkatao ay isang bagay na kumikilos pabor sa kanyang pamumuno sa Comelec. Ngunit hindi du’n nagsisimula at nagtatapos ang lahat. Kailangan na maging bukas ang isipan at kamalayan ni Bautista sa kung paano at kung gaano kalalim na ang problema ng dayaan na hindi nabura ng sistemang automation.
Ang totoo, sa halip na mabura ang duda sa resulta ng halalan dahil sa automation na unang ginamit noong 2010, ay lalo pang nadagdagan ang mga nagdududa rito.
Ang duda ay nakaugat sa makina, sa isang sistema na hindi naman nauunawaan ng marami kung paano talaga gumagana.
Oo’t ipinapaliwanag sa publiko, ngunit how it really works, only those that are directly responsible to the operations are the ones who knew the intricacies of the system, including the information on how it can fail or malfunction.
May mga paraan o hakbang na puwedeng gawin si Bautista na magtutugma sa tiwala sa nakaupong chairman at sa sistemang nabahiran na ng duda.
Kung mamarapatin, ilang panukala para sa chairman ng Comelec:
Una, kilalanin ang katotohanang pwedeng mamanipula ang resulta ng halalan sa automated system at maaaring may mga natitira pang gaya ng mga pangalang “Bedol” at “Garci” sa Comelec.
Isa ito sa mga tanong na ibinato kay Bautista sa kauna-unahang #MeetInquirer Multi-Media Forum noong isang linggo.
Kung ang kuwentong ibinahagi ni dating congressman Felicito “Tong” Payumo ang pakikinggan, ang manipulasyon ay naganap at maaaring maganap pa sa pamamagitan ng sabwatan ng ilang tiwaling tauhang may koneksiyon mismo sa sistema ng pagpapatakbo o pagkukumpuni ng PCOS.
Mga technician aniya ang nagpakilala sa kanyang staff noon na nangako ng panalong 60/40 para sa 2013 elections.
Kung ano ang ipina-ngakong lamang na statistically improbable, yun nga ang lumabas, pero pabor sa nakalaban ni Payumo. May halagang kapalit ang naging alok ng mani-pulasyon sa resulta ng halalan. Tumataginting na P25-milyon, ayon kay Payumo.
Isolated case ba ang reklamo ni Payumo na aniya ay naganap sa Bataan? Hindi.
Ang totoo, noong 2013 elections, marami ang katulad na reklamo ang naganap sa lokal na halalan. Ngunit ang mga ito ay hindi na nga lamang iti-nuloy.
Kung nagawa noong 2013 at 2010, bakit nga naman hindi ngayong 2016 elections kung ang sistema ay ganun pa rin naman? Hindi ba’t habang tumatagal ay lalong nagiging bihasa?
Walang sistemang perpekto at habang may puwang ang alinmang porma ng pandaraya, maliit o malaki man, malawakan o limitado lang, ang integridad at ang kredibilidad ng eleksiyon sa kabuuan ay apektado na rin.
Kung nangyari sa lokal na halalan, sabihin na na-ting sa iilang lugar lamang at hindi sa kabuuan, ano ang katiyakan na hindi ito mangyayari sa pambansang halalan?
Magandang maniwala na may reporma na, may tunay na pagbabago na.
Ngunit malupit ang katotohanan na marami pang “Bedol” at “Garci”. Maaring iba ang pangala, at ibang tanggapan, ngunit katulad ang bihis.
Automated o Manual, ang bihasa ay bihasa. Iyon ang dapat na bantayan ng liderato ng Comelec.
‘Bedol’, ‘Garci’ nagkalat pa rin
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...