BAGONG talento ang lalabas sa isasagawang Philippine National Triathlon Trials sa Agosto 22 sa Iloilo City.
Ang kompetisyong ito ay inorganisa ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP) katuwang si Iloilo City Mayor Jed Patrick E. Mabilog na ginagamit ito para makakuha ng interes sa mamamayan sa isinusulong na Iloilo River Clean-Up Project.
Ang mga distansyang paglalaban ay 1.5k swim, 40k bike, 10k run elite category at 750m swim, 20k bike, 6k run sprint distance.
Ang mga mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na mapasama sa developmental pool ng TRAP na pinangungunahan ng pangulo nito at Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco Jr.
Para pagandahin ang kompetisyon sa elite ay sinahugan ito ng cash prize na tig-P20,000 sa kalalakihan at kababaihan na hahatiin sa mangungunang tatlong finishers na P10,000, P6,000 at P4,000.
Ang triathlon ay isa sa produktibong national sports association sa idinaos na 28th Southeast Asian Games sa Singapore nang sina Nikko Huelgas at Claire Adorna ay naghatid ng mga ginto sa male at female elite habang si Kim Mangrobang ay nanalo ng pilak sa kababaihan.
Pursigido ang TRAP na tumuklas ng bagong talento lalo na sa mga bata para may maging kinatawan sa World Youth Olympics sa 2019 na kung saan ang endurance sport ay isa sa mga paglalabanang sport.