Sa kabila ng mga pakiusap nina Noni at Shamaine Buencamino na maging pribado ang pagkawala ng nagpatiwakal nilang bunso na si Julia ay napakarami pa ring naglabasang detalye tungkol du’n sa social media.
Hindi kayang pigilan ‘yun ng mag-asawa, may sarili nang komunidad ngayon ang social media, sa ayaw at sa gusto ng mga taong sangkot gaano man sila kapribado ay lulutang at lulutang pa rin ang maraming kuwento.
Lumabas ang mga kakatwang imahe sa mga huling paintings ni Julia, nakakatakot ang itsura ng kanyang mga iginuhit, meron pang isang nagpatiwakal na may imahe ng parang demonyo sa kanyang likuran.
Meron ding imahe ng isang babaeng naglalakad na ang nakalagay na caption, humigit-kumulang, ay dead girl walking.
May isang barkadahan pala sina Julia na puro mga batang pintor sila. Minsan ay mamamasyal sila sa mall, kapag nakakita sila ng isang lugar na puwede nilang gamitin, mauupo silang lahat du’n at magpe-painting sila.
Isang pari ang nakausap namin tungkol kay Julia. Tinanong namin ang alagad ng Diyos kung totoo ba ang kapaniwalaan na hindi tinatanggap sa langit ang mga nagpapakamatay?
Wala raw katotohanan ‘yun. Kasabihan at kapaniwalaan lang daw ng matatanda ang ganu’n. Lahat tayo, ayon sa nakakuwentuhan naming pari, ay dalawang kamay na pagbubuksan ng langit sa kahit anong dahilan pa ng pagkawala ng ating lupang katawan.