Labinlimang estudyante ang naospital matapos kumain ng siopao na nabili sa canteen ng kanilang paaralan sa Aleosan, North Cotabato, kinumpirma ng pulisya kahapon.
Siyam sa mga biktima’y naratay sa Aleosan District Hospital habang anim ang pinayagan nang makauwi, sabi ni Superintendent Bernard Tayong, tagapagsaliuta ng North Cotabato provincial police.
Ang mga biktima, na pawang mga estudyante ng Dualing Central Elementary School, ay dumanas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka matapos kumain ng siopao sa kanilang recess noong Hulyo 9, ani Tayong.
Sila’y pawang mga Grade 5 pupil na edad 9 hanggang 11, aniya.
Idineklara ni Dr. Nessel Lontiong Mondoñedo, ang doktor na sumuri sa mga bata, na dumanas sila ng acute gastritis matapos kumain ng siopao.
Sinabi naman sa pulisya ni school principal Joel Calambro na isang Jane Miranda ang nagdeliver ng 100 piraso ng siopao sa school canteen at 67 sa mga ito’y naibenta, ayon kay Tayong.
Nalaman ng mga imbestigador na ilang taon nang nagsu-supply ng siopao sa school canteen si Miranda pero ito ang unang pagkakataon na may ganitong insidente.
Sa kabila noon, pinaniniwalaan pa rin na ang siopao ang nagdulot ng sakit sa mga bata dahil napag-alaman na ilan sa mga ito’y di bagong-luto, ani Tayong.
Inirekomenda ng lokal na pulisya na sampahan ng magulang ng mga biktima ng paglabag sa Republic Act 7394, o Consumer Act, ang mga tauhan ng school canteen o di kaya’y ang supplier, aniya.