Bong Revilla nais mabisita ang maysakit na ama

Sen. Bong Revilla

Sen. Bong Revilla


SINABI ng mga abogado ng nakakulong na si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na nakatakda nilang hilingin sa Sandiganbayan para payagan siya na mabisita ang kanyang amang si dating senador Ramon Revilla Sr., matapos itong isugod sa ospital noong Sabado.
Ayon sa tagapagsalita ng pamilya Revilla na si Atty. Raymond Fortun, maghahain sila ng mosyon ngayong araw na humihingi ng permiso para makadalaw ang batang Revilla sa 88-taong-gulang na tatay kahit sa ilang oras lamang.

“Any amount of time na maibibigay ng husgado ay handa naman si Senator Bong… Kahit anong oras na ibigay ng husgado ay tatangapin ng pamilya,” sabi ni Fortun.

Idinagdag ni Fortun na magpapasalamat ang mga Revilla kung payagan si Revilla ng tatlong-oras na furlough mula sa Sandiganbayan, katulad nang ibinigay sa kanya nang bisitahin ang kanyang anak na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla, matapos aksidenteng mabaril ang sarili noong Marso.
Kasabay nito, sinabi ni Fortun na nakalabas na ang matandang Revilla mula sa intensive care unit ng St. Luke’s Medical Center Global City.
Idinagdag ni Fortun na hindi pa alam ng pamilya kung hanggang kailan mananatili ang dating senador sa ospital.

“He needs to stay at the hospital to monitor his condition. He is now in a private room ,” dagdag pa ni Fortun.

Isinugod ang matandang Revilla sa ICU ng ospital dahil sa pagkakaroon ng “metabolic encephalopathy secondary to dehydration and aspiration pneumonia.”
Naospital din ito noong isang buwan dahil sa pneumonia.

Read more...