Gentle Strength wagi sa Hopeful Stakes

LUMABAS ang galing ni Gentle Strength nang pagharian nito ang ikatlo at huling Philracom Hopeful Stakes race kahapon sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.

Si Jonathan Hernandez ang siyang sakay sa kabayo na nakasama sa unahan sa pagbukas ng aparato bago umarangkada papasok sa far turn sa 1,800-metro karera.

Sinikap ni Pag Ukol Bubukol na sakay si Pat Dilema na lutsahin si Gentle Strength pero ang naturang kabayo ang nagbayad dahil naubos ito.

Naghabol si Princess Meili ni Fernando Raquel Jr. pero hindi na napigil pa ang malakas na pagdating ni Gentle Strength na nanalo ng halos limang dipa sa meta.

Ang tagumpay ay nagbigay daan para maibulsa ng winning connections ang P600,000 unang premyo mula sa P1 milyon na itinaya ng nagpakarerang Philippine Racing Commission (Philracom).

Pumangalawa si Princess Meili para sa P225,000 bago pumasok si Pag Ukol Bubukol at Jazz Wild ni Dan Camanero tungo sa pagsubi ng P125,000 at P50,000 gantimpala.

Magtatapos ang dalawang araw na pista sa Metro Turf ngayong hapon at tampok na karera ay ang ikatlo at huling leg ng 2015 Triple Crown Championship.

Pitong kabayo ang magsusukatan sa 2,000m karera at sila ay magbabakbakan para sa P1.8 milyong premyo.

Read more...