Maaasahan ba ang mayor mo?

BAGAMAT umaraw na kahapon matapos ang sunod-sunod na araw na pag-ulan bunsod naman ng Habagat na pinalakas ng mga bagyong Egay at Falcon, inaasahan namang patuloy na mararanasan ang mga malalakas na pag-ulan sa bansa dahil kasisimula pa lamang ng pagpasok ng mga bagyo sa Pilipinas.

Sana ay natuto na ang ating mga lokal na pamahalaan kaugnay naman ng pagsususpinde ng klase at maging ang MalacaƱang hinggil naman sa pagkakansela ng pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.

Natuwa naman ang mga magulang dahil noong Huwebes at Biyernes, maaga pa lamang ay sinuspinde na ang klase at hindi na hinintay pang makapasok sa paaralan ang mga estudyante.

Hindi kagaya noong Lunes na nakapasok na ang mga mag-aaral bago pa isa-isang nagsuspinde ng klase ang mga mayor.

Kaya nang sa mga sumunod na araw, madaling araw pa lamang ay maaga nang nagdeklara ng walang pasok ang ilang lokal na pamahalaan, bagamat may ilan mayor pa rin na tila natutulog sa pansitan kung saan halos tanghali pa rin na nagkansela ng mga klase.

Kung kasi nakipag-ugnayan lamang ang mga mayor sa Pagasa ay tiyak naman may ideya na sila kung magsususpinde o hindi ng mga klase.

Mas naging maaasahan naman ngayon ang weather bureau kaugnay ng pagtaya ng tamang panahon kayat ang kailangan lamang ay makipag-ugnayan ang mga LGUs sa Pagasa.

Sa kaso naman ng MalacaƱang, dalawang beses na ikinansela ang pasok sa mga opisina ng gobyerno ngunit ginawa ito ng alas-3 na ng hapon.

Sinisi pa ng Palasyo ang DOST kung bakit matagal na nagdesisyong magsuspinde ng pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa pagsasabing nagdepende lamang ito sa rekomendasyon ng departamento.

Bagamat nakalabas na kapwa ang mga bagyong Egay at Falcon, may namumuo pa ring panibagong sama ng panahon na inaasahang magdudulot ng mga pag-ulan sa bansa sa susunod na mga araw.

May magandang naidulot naman ang mga pag-ulan dahil nalagyan ang mga dam na noong una ay nagbabantang matuyo dahil sa kawalan ng tubig.

Ang hindi lamang magandang dulot ng walang tigil na pag-ulan ay mga pagbaha sa ilang mga lugar sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya.

Hindi naman bago sa atin ang mga delubyo, ang kailangan lamang ay maging responsable ang gobyerno at mga LGUs para matiyak na minimal lamang ang magiging pinsalang dulot ng mga bagyo.

Kaya nga nating ibinoto ang ating mga opisyal ay para maglingkod sa kanilang nasasakupan at hindi parang walang pakialam sa tao.

Hindi kailangan ng mga mamamayan ang mga opisyal na napakasarap ng tulog gayong ang kanilang mga nasasakupan ay may kaba sa kanilang mga dibdib dahil sa banta ng mga pag-ulan.

Lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon, dapat nang magpakitang gilas ang mga pulitiko at para sa mga mamamayan, maging matalino sa pagboto.

Aanhin natin ang mga opisyal na puro pangako kung sa oras naman ng simpleng pagdedesisyon sa isyu ng pagkakansela ng klase ay ni hindi mo maasahan.

Read more...