Ejay: Ayokong tumambay sa bar para lang magka-girlfriend!

ejay falcon

HINDI ang tipo ni Ejay Falcon ang tatambay sa mga bar o magbababad sa mga party para lang makahanap ng magiging girlfriend.

Ayon sa Kapamilya hunk actor, naniniwala siya na hindi hinahanap o pinipilit ang lovelife, darating at darating din daw ito kung talagang para sa kanya ang isang babae.

Sa presscon ng bagong proyekto ni Ejay sa ABS-CBN, ang Wansapanataym Presents I Heart Kuryente Kid kung saan makakatambal naman niya si Alex Gonzaga, sinabi nitong handa na naman siyang magkaroon ng girlfriend, pero talagang wala pa raw dumarating.

Ang huling babaeng na-link sa kanya ay ang sexy actress na si Yam Concepcion na nakasama niya noon sa isa niyang teleserye.

“Matagal na ring (walang lovelife)…hindi talaga ako naghahanap, ang alam ko kusang dumadating ‘yun. Meron din talagang dadating na…babae sa buhay ko na magkakagusto ako, mamahalin ko, hihintayin ko na lang muna.

“Ayoko ‘yung pupunta ako sa gimikan, at sasabihin ko sa mga kaibigan ko, ‘Ihanap mo naman ako ng chick.’ Ayaw ko nang ganu’n, gusto ko kusa kong mararamdaman ‘yun at ‘pag naramdaman ko na, ready naman na ako, bakit hindi?” mahabang paliwanag ng aktor na napapanood din ngayon sa seryeng Pasion de Amor.

Aminado naman si Ejay na nakararamdam siya ng inggit kapag nakikita niya ang mga kaibigan niya sa showbiz na may mga kasamang girlfriend sa mga showbiz events, tulad na lang ng Star Magic Ball.

“Parang never kong nagawa na um-attend ako na may…‘Girlfriend ko po.’ Kasi nakita ko sina Enchong (Dee), Gerald (Anderson), pero, ako, wala pa,” hirit pa ng binata.

Samantala, for the first time nga ay magkakasama sila sa isang proyekto ni Alex Gonzaga, sila ang bibida sa Wansapanataym Presents I Heart Kuryente Kid mula sa Dreamscape Entertainment TV na ididirek ni Andoy Ranay.

Ito ang papalit sa My Kung Fu Chinito nina Enchong Dee at Richard Yap. Sa nakaraang presscon nito, sinabi ni Ejay na excited siyang makasama si Alex dahil nga marami ang nagsasabi na masarap kasama ang dalaga sa trabaho.

“Actually, two hours pa lang kaming nag-close door meeting, e (story conference). So kuwentuhan, at saka same village din kami sa Taytay (Rizal), pero ‘di naman kami masyadong nagkikita du’n.

“Excited ako kasi kabaliktaran siya ng personalidad ko, ang taas ng energy, maingay. So natutuwa ako, na bilang isang tahimik na tao, ang sarap na may kasama na ganito.

“First time nga kaming magkasama…malakas ang dating. Minsan, nagkikita kami sa ABS-CBN o minsan kapag pumupunta ako sa ASAP. So bagong kaibigan ko si Alex at excited ako dito sa project kasi pambata,” pahayag ng binata.

Natanong si Ejay kung posible bang si Alex na ang hinihintay niyang babae? At baka sa pagsasama nila sa Wansapanataym ay ma-develop sila sa isa’t isa? “Ayaw kong pangunahan.

Ngayon lang kami magkakasama ni Alex, hintayin na lang natin kung saan papunta. “Basta ang importante sa akin, sana maging kaibigan ko siya, sana maganda ang trabaho namin,” anang aktor.

“Pero ayokong sabihin na porke’t masaya ako, masayang kasama si Alex, liligawan ko na? Kailangang maging kakilala ko po muna siya,” dagdag niya.

Going back sa Wansapanataym, bagong challenge na naman daw para sa kanya ang nasabing proyekto, ibang-iba ito sa ginagawa niyang serye ngayon na Pasion de Amor.

Natutuwa siya dahil pambata naman ang bagong proyekto niya sa ABS-CBN. “Masaya ako kasi may mga kapatid ako na bata. Sa probinsiya namin, marami talaga ang nanonood ng Wansapanataym.

At saka ‘yung kuwento tungkol sa superhero, e. Dream ko talaga na maging isang superhero. Kaya dito, masaya ako na magagawa ko po ‘yun,” aniya pa.

Read more...