BAGAMAT nabigo ang Rain or Shine na magkampeon sa 40th season ng Philippine Basketball Association, masasabing ang Elasto Painters ang pinaka-consisteng na koponan ngayon.
Mangyari’y nakarating ang Rain or Shine sa semifinal round ng tatlong conferences. Ang Elaso Painters ang tanging koponang nakapaglaro sa semis ng Philippine Cup, Commissioner’s Cup at Governors’ Cup.
Sa Philippine Cup ay nakaharap nila sa best-of-seven semis ang Alaska Milk. Nagtabla ang Elasto Painters at Aces sa 2-all bago napanalunan ng Alaska Milk ang huling dalawang laro upang tumulak sa best-of-seven Finals kontra San Miguel Beer.
Sa Finals ay dinaig ng Beermen ang Aces pagkatapos ng pitong laro.
Ang siste’y tila nasaid ang Beermen at Aces matapos ang mahabang duwelong iyon. Kasi, sumadsad sila kapwa sa sumunod na Commissioner’s Cup. Ang San Miguel Beer ay hindi man lamang nakarating sa quarterfinals at maagang nalaglag.
Umabot sa quarterfinals ang Aces subalit dalawang beses na natalo sa Star Hotshots.
Nakabangon naman ang Rain or Shine sa pagkatalo sa semis sa Alaska Milk nang makarating ang Elasto Painters sa best-of-seven Finals ng Commissioner’s Cup.
Nakaharap ng Rain or Shine ang Talk ‘N Text na nakabawi rin. Kasi, ang Tropang Texters naman ang tinalo ng San Miguel Beer sa semis ng Philippine Cup.
Hindi nga lang nagawa ng Elasto Painters na maibulsa ang titulo ng Commissioner’s Cup. Kasi’y natalo sila sa Game Seven ng Tropang Texters. At ang Game Seven ay nagkaroon ng tatlong overtime periods. Ito ang kauna-unahang pagkakataong nagkaroon ng triple overtime sa Finals.
Pinatunayan ng Elasto Painters na consistent nga sila nang makarating din sila sa semifinal round ng Governors’ Cup katapat ng San Miguel Beer.
At kung nagawa lang ng Elasto Painters na protektahan ang 24-puntos sa bentahe nila sa Game One ng serye, malay natin kung ano ang puwedeng nangyari.
Kaso’y nakabalik ang San Miguel Beer sa malaking abante ng Rain or Shine at nagwagi, 101-95.
Nabawian ng Rain or Shine ang San Miguel Beer sa Game Two nang burahin nito ang 20-puntos na abante ng Beermen at magwagi, 113-110, sa three-point shot ni Jeff Chan sa huling 7.6 segundo.
Pero iyon ang tanging panalo ng Elasto Painters kontra Beermen sa serye.
Hindi na pinaporma pa ng San Miguel Beer ang Rain or Shine sa natitirang dalawang laro. Napanalunan ng Beermen ang Game Three, 114-108, noong Lunes at ang Game Four, 117-110, noong Miyerkules upang makadiretso sa Finals at makaharap muli ang Aces.
Pero siyempre, kahit na consistent semifinalist ang Rain or Shine sa season na ito, may kulang pa rin. Hindi pa rin kumpleto ag kanilang kampanya.
Kasi’y hindi pa nadadagdagan ang kaisa-isang kampeonatong naisubi ng Elasto Painters.
At dahil dito ay may room pa for improvement sa next season para sa tropa ni coach Joseller “Yeng” Guiao at team owners Raymond Yu at Terry Que.
Kumbaga’y hindi sila puwedeng makuntento sa pagiging consistent semifinalist. Gusto nilang maging champions.
Consistent champions!