1080 nalason matapos kumain ng durian kendi sa Surigao del Sur

durian

TINATAYANG 1080 na mag-aaral mula sa elementarya at high school ang nalason matapos kumain ng durian na kendi sa Cagwait, Surigao del Sur.
Sinabi ni Liza Mazo, Office of Civil Defense-Caraga director na nakaranas ang mga mag-aaral ng pagsusuka matapos kumain ng naturang kendi.

“After eating [the candies], nagsusuka sila… hinihinala na food poisoning, ongoing pa ang assessment sa mga bata,” sabi ni Mazo.

Idinagdag ni Mazo na nakapag-ulat na ng 1080 kaso ang local disaster reduction management unit ng Cagwait, bagamat inaasahan pa itong tumaas.

“There could be more kasi iba-ibang mga school ito, medyo madami,” dagdag ni Mazo.
Aniya, inaalam na kung may mga biktima pa sa kalapit na mga bayan.

Sinabi ni Mazo na ginagamot na ang mga nalasong mga mag-aaral sa Adela Serra Ty Hospital sa Tandag City.

Ayon kay Superintendent Martin Gamba, Caraga regional police spokesman, binili ng mga mag-aaral ang mga kendi na may tatak na “Wendy’s,” mula sa mga naglalako ganap na alas-10 ng umaga.

Natunton naman ng lokal na pulis ang mga nagtinda at kabilang sa mga nahuli ay sina Junnil Teriote Martinez, 30; John Dequilla Oben, 36; at Joel Alferez Paja; pawang mga residente ng Davao City.

Read more...