Mar nanligaw sa lalaki

GUMUGUHO na ang Liberal Party, at Lakas Pala. Sa tuluyang pagguho nito, lalagapak sa lugmok si Mar Roxas. Tsk-tsk-tsk. Masakit ito, lalo pa’t napakaraming daliri na ang nagtuturo kay Roxas, di para pagbintangan, kundi para sisihin.

Sisimulan ko sa Camp Crame. Dumarami ang bilang ng junior officers na ipaghihiganti ang pagpatay sa SAF 44. Pero, kahapon ay di pa nila ito tuwirang ipinadarama kay SDILG. Kung tutuusin ay sipsip pa nga sila sa asawa ni Korina dahil sagana pa ang daloy ng nektar. Sa bawat banggit ng SAF 44, galit at paghihiganti sa halalan 2016 ang kanilang kinikimkim.

Dahil sa itinaas hanggang langit ang bayad sa pag-iingat ng baril, na wala namang basehan kung ang titingnan ay ang halaga ng proseso at administratibo, maraming senior citizens na ang nagsusuko ng armas na kanilang ipinundar para ipagtanggol ang sarili at pamilya. Siyempre, nasa Crame sila kaya hindi nila babanatan si Roxas (sayang, ang gandang apelyido, tulad ng Aquino). Ang sinasabi lang nila ay matatanda na sila.

Ayon kay Ferdinand Marcos, hindi dapat pahirapan ang gun owners sa taas ng bayarin sa baril. Kapag itinaas ang bayarin, darami ang loose firearms at lalago ang underground business na guns for rent. At hindi naman mahirap kilalanin ang mga negosyanteng nagsusugal sa ganitong kalakal. Maraming security agencies ang magsasara dahil sa taas ng bayarin. Nakita ko ang kahun-kahong baril na isinuko ng isang agency sa Crame.

Kabilang si Roxas sa mga respondents sa kasong iniakyat ng gun owners sa Supreme Court kontra mataas na bayarin sa baril. Si Roxas din ang itinuturo ng mga daliri sa pagkakansela ni Kid Peña sa sisterhood ng Makati sa mahihirap na bayan at lungsod. Hindi naman engot ang mga mayor ng LGUs na ito para maniwala sa duda ni Peña. Para sa mga mayor, malinaw na paghihiganti na naman ito ni Roxas, tulad ng pagresbak niya sa isang Romualdez.

Kawawang Peña. Siya ngayon ang minumura ng taumbayan nang ipatigil niya ang libreng sakay ni Junjun Binay. Ang naki-kinabang sa libreng sakay ay ang mahihirap at arawang obrero, at ang mga ito ang pinapatay ngayon ni Peña. Hindi ako naniniwalang mamamatay-tao si Peña. Masunurin lang siya sa utos.

Matindi ang panliligaw ni Roxas sa lalaking si Caloocan Mayor Oscar Malapitan. Parang lala-king binigyan ng chocolate at panggastos ang magandang nililiyag. Mapagkumbabang bumaba si Roxas sa balwarte ni Malapitan, kaalyado ni Jejomar Binay, at ibinigay ang gawad ng papuri at pera. Napakahusay magpalakad ng lungsod si Malapitan, ani Roxas. Hoy Oca, huwag mong ibigay ang “matamis na oo” mo kay Mar!

Ano ba itong ibinibigay ng tadhana kay Digong Duterte? Pagkatapos ng pekeng bigas, pekeng bihon ang pinakakain sa kanyang kababayan ng mga di takot sa kanya. Sa mga mapamaihin, hindi ma-gandang pangitain ito. Sa mga barbero at tricycle drivers, ha-ha-ha!

Sayang, Dennis M. Sabangan, sa iyong maagang pagpanaw. Mas malayo pa sana ang iyong marara-ting bilang photo-journalist. Marahil, may itinakdang papel at alaala ang Panginoon sa iyong maagang pagpanaw.

MULA sa bayan (0906-5709843): Tamad talaga itong si Sec. Luistro. Ang pinakamasipag ay si Nilo Brosas, na 4 a.m., pa lang ay naghahayag na sa radyo ng suspension ng klase. Kawawa ang mga bata. Umuuwing basa pagkatapos suspendihin ang klase 7 a.m. …6735

Nawawala ang mga MMDA enforcers sa Trinoma-SM North kapag malakas ang ulan sa hapon at gabi. Inabot kami ng 45 minutes sa trapik, na umandar lamang paglampas sa Veterans.
May 20 traffic enforcers daw ang naka-assign dito. Ni isa ay wala akong nakita. Chairman Tolentino, tatakbo ka bang senador? …1401

Read more...