Ondoy at Pepeng nakita sa hula!

KUNG kayo’y masugid na mambabasa ng Bandera, tuwing Enero ay naglalabas ang pahayagan ng tatlong bahagi ng hula, base sa hayop ng taon, na binasa’t nakita ng ating resident psychic na si Joseph Greenfield.
Ang kanyang hula sa taon 2009 ay pinamagatang “’09: Ang nanunuwag na toro.”
“Ayon sa Chinese astrology, ang taon 2009 ay paghaharian ng Toro, o Bulugang Baka.
“Sa sandaling umiral ang negatibong kapangyarihang ng Toro, ang matutulis niyang sungay ay maghahasik ng lagim at kahirapan di lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo,” pambungad ni Greenfield.
Sa bahagi ng panahon ng bagyo, heto ang sinabi ni Greenfield: “Sa tag-ulan, sa mga buwan ng Hulyo, Agosto at Setyembre, susuwagin ng toro ang karagatan.  Kambal na sama ng panahon ang mabubuo sa Polilio Island sa Quezon, raragasa ang supertyphoon na ito sa Metro Manila, at Gitnang Luzon, magdadala ng malalakas na hangin at pagbaha. Ano pa’t sa panahong
iyon, lulubog ang malaking bahagi ng Luzon at Metro Manila…”
Kambal nga ang sama ng panahon: Ondoy at Pepeng, at ang huling bagyo ay nanatili pa ng tatlong araw, tatlong beses na tumuntong sa lupa at tila nagyakag pa ng isang bagyo, na agad namang nagtuloy pa-Japan.
Supertyphoon na maituturing ang dalawa.  Si Ondoy ay nagbagsak, sa loob lamang ng 12 oras, ng napakaraming ulan at halos nilunod ang Marikina, Cainta, Pasig, at mababang bahagi ng Quezon City.
Sino’ng mag-aakala na mahigit 150 katao ang mamamatay dito sa isang iglap lamang ng bangis ng toro? Ang bangis ng toro ay isinalin sa bagyong Pepeng.
“Raragasa sa…Gitnang Luzon, magdadala ng malalakas na hangin at pagbaha.  Ano pa’t sa panahong iyon, lulubog ang malaking bahagi ng Luzon…”
Walang sablay.  Nakita ni Greenfield ang malagim na magaganap.  Sa bagyong Pepeng, ibinuhos din ang maraming ulan nang humina ito sa 55 kph.
“…kasabay ng pagputok ng dalawang malalaking dam at paguho ng lupa,” anang hula.  Walang dalawang dam na “pumutok,” pero katumbas ng dami ng tubig na ito ang pinakawalan ng limang dam para lamang huwag pumutok ang mga ito at pumatay ng sindami ng tao, bata’t matanda, mayaman at mahirap, pantas at mangmang; yan ang pagkakapantay-pantay na itinadhana ng Maylalang.
Heto ang makapanindig-balahibo:
“Magaganap ang napakalaking pagbaha sa petsang 7, 13, 25, at 27 sa mga araw ng Linggo, Lunes at Martes.”
Ondoy: 25; Pepen: 7.
Linggo, Lunes at Martes, lumabas ang mga bangkay sa putik!

BANDERA Editorial, 081209

Read more...