SA kauna-unahang pagkakataon, magsasama-sama sa isang drama anthology ang mag-inang Nora Aunor at Lotlot de Leon kasama ang Kapuso princess na si Janine Gutierrez.
Ngayong Sabado ng hapon tutukan ang espesyal na episode nila sa programang Karelasyon sa GMA 7.
Tampok sa nasabing episode ang kuwento ni Maring (Nora) na patuloy pa ring minumulto ng kanyang madilim at mapait na nakaraan.
Kabilang siya sa maraming Pinay na paulit-ulit inabuso at pinagsamantalahan ng mga Hapon na sumakop sa bansa noong World War II.
At habang nagra-rally para sa hustisya ang ibang mga lola na dumanas din ng kanyang pinagdaanan, may mabigat palang laban na nag-aantay kay Maring sa kanyang mismong tahanan.
Dahil ang pinakahihintay niyang reunion ang magbibigay-daan para malaman niyang isang Hapon pala ang iniibig ng kanyang apong si Rose (Janine).
Paglapastangan nga ba sa masakit na karanasan ni Maring ang pagkakaroon ng nobyong Hapon ni Rose? Magpapaubaya na lang ba si Maring para sa kaligayahan ng kanyang apo?
Paano naman kaya papagitna at sasaklolo sa gusot na ito ang ina ni Rose na si Pilar (Lotlot)? Sino ang kakampihan niya – ang kanyang nanay o ang kaisa-isang anak?
Sa panulat at direksyon ni Adolf Alix, Jr. at paglalahad ni Carla Abellana, tunghayan ang kapana-panabik na kuwentong ito sa Karelasyon ngayong Sabado, pagkatapos ng Eat Bulaga sa GMA.
Sa isang panayam, sinabi ni Lotlot na matagal na niyang pangarap na magkasama uli sila ni Ate Guy sa isang proyekto at ang Kapuso network daw ang tumupad nito.
At ang ibig sabihin lang nito, okay na okay na uli ang relasyon nina Lotlot at Ate Guy na napabalita nga noong matindi pa rin ang tampuhan dahil sa “best friend” ng Superstar na si John Rendez.