KUNG iniintriga ang administrasyon na mahahati ito bago ang eleksyon, mukhang unang nagpakita ng bitak ang oposisyon.
Nang ilunsad kasi ang United Nationalist Alliance noong nakaraang linggo ay wala si dating Pangulo at ngayon ay Manila Rep. Joseph Estrada.
Si Estrada ay kilalang taga-oposisyon kaya naging palaisipan sa marami kung bakit wala siya sa launching ng UNA, ang partido na itinayo ni Vice President Jejomar Binay upang magdala sa kanya sa Malacanang sa 2016.
Alam ng lahat na malaking bagay si Erap sa eleksyon dahil mayroon siyang nahahakot na boto. Kahit pa sabihin na na-impeach siya at napatalsik sa Malacanang noong 2001 mayroon pa ring mga naniniwala at sumusunod sa kanya.
Patunay rito ang 2010 presidential elections kung saan pumangalawa siya sa naluklok na Pangulong Aquino.
Ang tingin ng marami, baka naniniwala na rin si Erap na palubog na ang barko ni Binay. Matapos bumaba ang kanyang rating sa survey—SWS at Pulse Asia—at naungasan ni Sen. Grace Poe, at marami ang nagkomento na hindi na makababawi ang bise presidente.
Hindi naman imposible na tumalon si Estrada sa bangka ng kanyang inaanak na si Poe, na ngayon ay hindi pa hayagang nagdedeklara kung tatakbo o hindi at kung anong pwesto ang tatakbuhan.
Kahit nga ang anak ni Estrada na si Sen. JV Ejercito ay nagsabi na mahihirapan silang magdesisyon kung sino ang susuportahan kung tatakbo si Poe.
Kung mawawala ang botong dala ni Erap paano na kaya si Binay?
Kung sa bagay, noong 2010 elections ay lumabas sa mga balita na hindi ibinoto ni Estrada ang running mate niya na si Binay.
Ipinakita ni Erap ang kanyang balota bago ito ipinasok sa automated counting machine at nakuhanan ito ng video camera at still picture camera. Dahil high tech na ang mga kamera matataas na ang resolusyon ng mga ito kaya hindi lumalabo kahit i-zoom ang kuha.
Nang ihain ang ikalawang suspension order na ipinalabas ng Office of the Ombudsman laban kay Makati Mayor Junjun Binay, nagkagulo sa city hall.
Nilabanan ng mga suporter ni Mayor Binay ang mga pulis na nautusang magdala ng suspension order.
Naalala ko tuloy ang nangyari sa gate ng Dasmarinas Village, ng ipakita ni Binay na siya ay palaban.
Sa kuha ng CCTV ng Dasmarinas Village ay ipinakita ni Mayor Binay kung sino sila, na sila ay hindi basta-basta na lamang maaaring harangin ng sinuman.
Hindi nila idinaan sa pakiusap ang mga guwardya na hindi nagbukas ng gate dahil hindi siya nakilala.
Siguro—siguro lang naman—ay hindi makakakuha ng boto sa mga guwardyang ito, na dinala pa sa Makati Police station dahil ginawa nila ang kanilang trabaho, si VP. O baka mali rin naman ako.
Kung may nakagusto sa pagiging palaban ni Mayor Binay ng hindi nito kilalanin ang suspension order, may mga napakamot naman ng bigla nitong ianunsyo na iiwanan na niya ang city hall.
Naguguluhan na sila, ano daw ba ang nangyari?
Dapat ay pinangatawanan na lamang umano niya ang pagiging matigas.