Magkapatid na Alcala wagi ng tigalawang ginto

IPINAKITA ng magkapatid na Malvinne Ann at Mark Shelley Alcala na hindi sila pahuhuli kung talento sa badminton ang pag-uusapan nang manalo sila ng tigalawang ginto sa 2015 Philippine National Games Luzon elimination leg sa Rizal Memorial Badmindon Hall sa Maynila kahapon.
Si Alcala ay nanguna sa women’s elite singles nang talunin si Gelita Castillo bago nakipagtambal kay Castillo upang manalo sa women’s doubles laban kina Paola Beatriz Bernardo at Pauline Tan.
Ang nakababatang si Mark naman ay nagwagi sa elite male singles matapos pabagsakin si John Keneth Monterubio at naghari sa juniors singles nang manalo kay Niel Andrew Pineda.
Ang magkapatid na Alcala ay dating kasapi ng national team at ngayon ay naglalaro para sa Allied-National Vision Badminton Academy.
Magkakaroon ng pagkakataon ang magkapatid na patunayan na karapat-dapat silang mapasama sa national team sa pag-abante sa National Finals sa susunod na taon kalaban ang mga national team members.
Tatlong iba pang miyembro ng Allied-NVBA ang nanalo ng ginto at ito ay sina Bernardo sa junior girls singles, Marina Caculitan at Mary Ann Maranon sa juniors girls doubles at Juan Diego Nealega at Caculitan sa juniors mixed doubles upang magkaroon ng kabuuang pitong ginto ang koponan.
Samantala, dalawang Fil-Japanese judokas ang nanalo sa kanilang dibisyon sa idinaos na judo national finals sa Makati Coliseum.
Si Kohei Kohagura ay nangibabaw kay Ivan Oleta sa men’s -81 kg category habang si Keisei Nakano ay nagwagi kay Pocholo Ansay sa -73 kg para maging kandidato sa national team. —Mike Lee

Read more...