Kahina-hinalang desisyon

MAY kahina-hinalang desisyon na ginawa ang isang hukom ng Makati Regional Trial Court (RTC).

Dalawang Canadian nationals na nahulihan ng P100-million worth of drugs ay pinayagan ni Judge Josephine Advento-Vito Cruz na makapagpiyansa.

Walang bail ang binibigay sa kasong drug trafficking.

Ang dalawang Canadian ay sina Ali Memar Mortazavi Shirazi at James Clayton Riach.

Ang nakakapanghinala ay kung bakit pinayagan ni Judge Vito Cruz ang dalawa na makapagpiyansa samantalang sa kanyang unang desisyon noong March 20, hindi niya pinayagan ang mga ito na makapagpiyansa.

Your Honor, anong dahilan sa pagbago ng iyong desisyon?

Ano ba ang nangyayari rito sa mga judges sa Makati?

Isang judge ang nagpataw ng napakagaan na sentensiya sa tatlong kalalakihan na pumatay ng isang US Marine major sa pamamagitan ng saksak.

Dahil silang tatlo ay pawang armado at ang Amerikano ay walang armas, walang kalaban-laban sa kanila ang biktima.

Pinagtulungan muna nila ang biktima na dahil sa kalasingan ay nagapi nila at tumakbo, pero hinabol nila ito at pinagsasaksak hanggang sa mapatay.

Ang tatlo ay may dunong sa paghawak ng patalim dahil sila’y nag-aral sa isang batikang knife-fighter.

Bakit hindi pinatawan ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong lalaki?

Dahil marahil malaki ang inilagay kay Judge?

Dapat ay imbestigahan ng Supreme Court ang judge na ito.

Isa pang judge ng Makati ay pumapabor sa mga mayayaman na litigants sa mga commercial cases kahit na walang laban sila sa isang fair trial.

Ang judge na ito ay diumano’y miyembro ng isang sindikato ng mga judges ng Makati na nagde-decide ng kaso base sa kwartang tinatanggap nila, hindi sa merit ng kaso.

Bakit kaya hindi iniimbestigahan ng Mataas na Hukuman ang mga judges na ito?
qqq
Ipinahiya at hindi pinayagang makaalis patungong Japan si Annie Yamon Kotake, isang Pinay na nakapag-asawa ng Hapon, ng mga taga immigration sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

Si Kotake ay may-ari ng K-Ann Language International Center sa Dasmariñas, Cavite.

Papunta siya ng Tokyo, kasama ang kanyang siyam na estudyante, nang siya’y pinigil, sinigaw-sigawan sa harap ng ibang pasahero ni Evita Makader, isang immigration supervisor sa NAIA.

Hindi pa nakuntento itong si Makader sa pagpapahiya kay Kotake, sinampahan pa niya ng kasong human trafficking ito na napabalita sa mga diyaryo at TV news.

Ang kasalanan lang ni Kotake ay dahil sinagot-sagot niya si Makader nang pinaratangan siya nito na human trafficker.

Ang siyam na mga estudyante ng kanyang language school ay papunta ng Japan ay kasama siya upang mag-aral na maging dalubhasa sa salitang Nihongo.

Pinaimbestigahan ni Immigration Commissioner Siegfred Mison si Makader dahil sa report na ginawa ng aking public service program, Isumbong mo kay Tulfo, sa buong pangyayari.

Ang naiulat na mga taong nalunod sa paglubog ng MB Kim Nirvana ay 61 na at ang nag-survive ay 142 katao.

Ang sakuna ay nangyari nang natumba ng malalakas na alon ang barko isang kilometro ang layo sa pier ng Ormoc City .

Ang mga tanong:

Bakit pinayagan ng Coast Guard na makapaglayag ang barko samantalang malakas ang alon dahil sa may bagyo?

Bakit hindi agad nasaklolohan ang mga biktima samantalang malapit lang sa pier ang paglubog ng Nirvana?

Read more...