Dalawa katao ang nasawi habang anim pa ang nasugatan nang bumagsak ang sinakyan nilang helicopter sa kagubatan ng Cuenca, Batangas, kahapon (Linggo) ng tanghali.
Nasawi ang piloto at isang pasahero, habang ang iba pang sakay ng chopper ay isinugod sa pagamutan, sabi ni Senior Superintendent Omega Jireh Fidel, direktor ng Batangas provincial police.
Bumagsak ang pampribadong helicopter (RP-C2726) dakong alas-12:45 sa magubat na bahagi ng Brgy. Pinagkaisahan, malapit sa Mount Maculot.
Agad nasawi ang piloto habang ang pasaherong si King Angeles ay binawian ng buhay habang nilulunasan sa Martin Marasigan Hospital, ayon sa provincial police.
Nakilala ang ibang pasahero bilang sina Tina Ocampo, Rico De Ocampo, Anton San Diego, Christopher Chilip, Patricia Chilip, at “Ling-ling” King.
Nagtamo ng di pa mabatid na halaga ng pinsala ng helicopter.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng crash, na naganap sa gitna ng mga pag-ulang dinaranas ng maraming bahagi ng Luzon dahil sa bagyong “Egay.”