Taekwondo Asian Olympic Qualifier binabalak gawin sa Pilipinas

BALAK ng Philippine Taekwondo Association (PTA) na dalhin sa bansa ang 2016 Asian Olympic Qualifying event para gumanda rin ang tsansa ng mga taekwondo jins na makalaro sa Rio Olympics.

Sa Mayo ito nakakalendaryo at naghahanda ang Pilipinas na makuha ito at nagpasabi na ang PTA para sa kailangang suporta sa Philippine Sports Commission (PSC).

Hindi naman ipinagkakait ng PSC ang suporta lalo na sa pinansyal lalo pa’t ang taekwondo ay isa sa mga sports na naghahatid ng karangalan sa bansa.

“Sila ay isang NSA na hindi kasama sa priority athletes kahit nananalo sila ng gold, silver at bronze medals sa SEA Games. Kaya ang perang dapat na ibigay sa kanila sa priority athletes ay puwedeng gamitin sa hosting,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Hindi nakasali ang mga taekwondo jins sa priority athletes dahil hindi nila magarantiya na maibibigay ang kanilang lubusang oras sa national team. Karamihan sa mga manlalaro ng PTA na inilalaban sa malalaking torneo ay nag-aaral pa.

Mahalaga sa Pilipinas kung dito gagawin ang Asian qualifying para mas tumaas ang morale ng mga panlaban sa tig-apat na kategorya na lalaro sa men’s at women’s sa taekwondo sa Olympics.

Ang mga events sa kalalakihan ay sa -58kg, -68kg, -80kg at +80kg habang ang mga kategorya sa kababaihan ay nasa -49kg, -57kg, -67kg at +67kg.

Tatlong ginto ang nakuha ng bansa sa SEA Games sa Singapore at sina Samuel Morrison at Pauline Lopez ang nagdomina sa men’s -68kg at women’s -57kg.

Masidhi ang pagnanais ng PTA na makakuha ng puwesto sa Rio Games dahil nakasali ang mga jins sa London Olympics.

“Sabi ni Mr. Hong (Sung-chon, PTA vice president) kaya ang tatlo o apat na jins sa Rio. Hopefully ay makuha nila ito,” pahayag pa ni Garcia.

Sa kasalukuyan ay tanging si Fil-Am Eric Cray ang nakatiyak ng puwesto sa Rio Olympics sa 400m hurdles sa athletics.

Mapupursigi ang lahat ng may tsansang makasama sa Olympics na makapasok at manalo ng kauna-unahang ginto dahil P10 milyon ang gantimpalang kanilang makakasakamay.

Halagang P5 milyon ang gantimpala mula sa Incentives Act habang si Sarangani Province Congressman Manny Pacquiao ay nangako rin ng hiwalay na P5 milyon premyo mula sa sariling bulsa.

Read more...