Sophie Albert inatake ng sobrang depresyon

sophia albert

KAMAKAILAN ay naging laman ng balita ang Artista Academy grand winner na si Sophie Albert dahil nagpapa-release na raw siya sa pangangalaga ng TV5.

Balita ring nag-audition siya para sa seryeng Pangako Sa ‘Yo bilang ka-love triangle nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Kaya after ng question and answer sa presscon ng bagong sitcom ng TV5, ang No Harm No Foul na magsisimula na bukas, ay pinutakti kaagad si Sophie para malinawan ang isyu.

At ang sagot ng dalaga, “Hindi, hindi pa ako nakakatapak ng ABS since ‘Hashtag’ (Cinemalaya entry last year). Hindi totoo ang nabalita. Hindi, wala pang plano, oo nga nabasa ko nga, pero totoong may assessment kami sa TV5 this July, so it’s up to TV5.

Siguro by Monday, makakapag-decide na kung mag-i-stay o mago-go, pero sa ngayon, wala, no anything definite,” paliwanag ni Sophie.

Habang on-going ang presscon ng No Harm No Foul ay tinanong na namin si TV5 entertainment head, Wilma Galvante kung totoong ire-release na nila ang dalaga, “Hindi pa kami nag-uusap, walang sinasabi pa, grand winner ko siya ng Artista Academy kaya nanghihinayang ako.

“Hindi kasi siya (Sophie) sing and dance, artista siya, marunong siyang umarte, kaso parang may ano (hold), hindi mailabas, pero magaling siya,” sabi ng executive sa amin.

Plano bang magpa-release ni Sophie sa TV5, “Hindi naman magpapa-release, pero may assessment kami. Lahat ng nasa Artista Academy, mayroon kaming assessment this July.”

Sa tanong kung may alok sa kanya sa ibang TV network, “Wala naman.” Patapos na pala ang kontrata ni Sophie sa TV5 ngayong Hulyo, kung ire-renew siya ay papaya siya, “Hindi ko pa alam.

Hindi ko pa alam kasi nga desisyon ‘yon ng management. Siyempre, kung sa akin lang, ang hirap maglipat. Ang hirap mag-start. Kung puwede, bakit hindi dito na lang?” saad ng dalaga.

Dalawang taon palang walang project si Sophie kaya dumaan siya sa depresyon na hindi naman niya itinanggi, “Oo, siyempre nalungkot ako nu’ng time na dalawang taon akong nabakante.

Siyempre ngayon, masaya ako kasi kasama ako rito (No Foul No Harm), meron pa akong Happy Truck Ng Bayan, so I’m happy,” say ni Sophie.

First time magko-comedy si Sophie sa No Harm No Foul bilang slow loveteam ng Ateneo player na si Kiefer Ravena na mapapanood na bukas, 8 p.m., kapalit ng Mac N Chiz, “First time kong mag-comedy, kasi mas gusto ko drama.

“Magpipinsan kami nina Valeen (Montenegro), Eula (Caballero) tapos ako ‘yung slow ‘yung utak,” sabi ni Sophie tungkol sa papel niya sa No Harm No Foul kasama sina Gary David, Yoyong Martirez, Tuesday Vargas, Long Mejia, Ogie Alcasid at Randy Santiago na siya ring direktor ng show.

Read more...