Pumanaw na ang huling mataas na opisyal ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) sa San Simon, Pampanga noong Hunyo 30.
Binawian ng buhay si Simeona Punsalan-Tapang, mas kilala bilang “Kumander Guerrero,” sa edad na 92, sabi ni Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Undersecretary Ernesto Carolina.
Naglingkod si Tapang bilang kapitan ng Apalit Squadron No. 104 sa mula 1942 hanggang 1943 bago naitalaga bilang komandante ng 1st Regiment, 2nd Battalion Staff, Regional Command No. 7 noong 1944.
Kabilang si Tapang sa mga nakipaglaban sa mga Hapon sa Barrio Mandili sa Candaba, Pampanga noong 1944 at nanguna sa mga engkwentro sa Arayat, ayon kay Carolina.
Nagpaabot ng pakikiramay si Carolina sa mga kaanak ni Tapang partikular sa nag-iisa nitong anak na si Ligaya.
“The men and women of Philippine Veterans Affairs Office and the entire Filipino veterans community convey our sicerest condolences and heartfelt sympathy to veteran Simeona Tapang’s family. It has been an honor to have served her,” aniya.
Noon lang Disyembre 2014 ay pinarangalan ng lokal na pamahalaan ng Pampanga si Tapang bilang Most Outstanding Kapampangan para sa pagtatanggol sa bansa.
“She was an epitome of service and love for her fellow Filipinos, especially for her comrades who joined the guerrilla resistance movement and who are in need of government’s attention and support,” ani Carolina.
Nakaburol ang mga labi ni Tapang sa Brgy. San Mateo, San Simon at nakatakdang ilibing sa Hunyo 7.
Nito lang Hunyo 29 ay pumanaw si Fernando Perez Javier, ang pinakamatanda namang Pilipinong beterano ng World War II. (Hazel Morada, Levi Mora)