‘PSY’ ng KathNiel No. 1 Twitter; pamilya Binay tinalbugan

daniel padilla

GRABE talaga ang ginagawang effort ng fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa bawat proyekto ng Teen King & Queen, ha! Kahapon kasi, muling pinatunayan ng KathNiel supporters ang kanilang matinding powers nang maging number one trending topic uli ang #PSYParaParaan para sa mga susunod na eksena sa Primetime Bida series nina Kath at DJ na Pangako Sa ‘Yo.

Imagine, natalbugan nito ang ilang malalaking issue sa gobyerno tulad ng pagbaba sa pwesto ni Makati Mayor Jun Jun Binay. Patunay lang ito na talagang hindi bumibitiw ang milyun-milyong KathNiel fans sa kanilang mga idolo kahit na ano pa ang mangyari.

Nu’ng isang gabi, bitin na bitin ang mga tumututok sa Pangako Sa ‘Yo, ito ‘yung episode kung saan napilitan na si Angelo (Daniel) na pagbawalan si Yna (Kathryn) na lumapit sa kung kani-kaninong lalaki.

Ang gusto nitong mangyari, lagi lang nakadikit si Yna sa kanya, at walang ibang aasikasuhin kundi siya lang.Siguradong kaming mataas na naman ang rating na nakuha ng PSY kagabi dahil dito na nga magsisimula ang nakakakilig na eksena nina Daniel at Kathryn.

Bukod dito, malapit na ring magkrus ang landas nina Amor Powers (Jodi Sta. Maria) at Claudia Buenavista (Angelica Panganiban) kaya asahan na ang matitinding komprontasyon sa pagitan ng mortal na magkaaway.

At siyempre, malapit na ring mapanood ang bagong ka-love triangle ng KathNiel loveteam – si ang napakagandang si Sarah Carlos, na siyang gaganap na Bea Bianca, ang malandi at sosyalerang babae na sisira sa relasyon nina Yna at Angelo.

Samantala, kinumpirma ni Kathryn na pagkatapos ng PSY, muli silang gagawa ng pelikula ni Daniel. Muling pumirma ng exclusive contract ang dalaga sa Star Cinema kamakailan at isa nga sa nakalagay sa kanyang kontrata ay ang pagsasamahan uli nilang pelikula ni DJ.

“May movie ako ulit with DJ right after Pangako Sa ‘Yo. Yun ang gagawin namin,” sabi ng Teen Queen na nagsabing hindi niya ma-imagine na may iba siyang ka-loveteam.

Nang tanungin naman kung payag na ba siyang mag-pose ng sexy sa isang men’s magazine, todo-tanggi ang dalaga. Hindi raw niya nakikita ang kanyang sarili na nagpapa-pictorial na halos wala nang saplot sa katawan.

At feeling namin, hindi rin siya papayagan ni DJ na mag-pose ng sexy sa mga magazine.

Read more...