Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Rain or Shine
(Game 1, best-of-five semis)
PAMUMUNUAN ni Arizona Reid ang San Miguel Beer sa isang giyera laban sa kanyang dating koponang Rain or Shine sa simula ng best-of-five semifinals series ng 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Kay Reid matutuon ang pansin ng halos lahat sa hangarin ng Beermen at Elasto Painters na mapanalunan ang Game One upang maidikta ang serye.
Si Reid ay unang nakapaglaro ng tatlong conferences para sa Rain or Shine bago nai-release sa San Miguel Beer sa nakaraang Commissioner’s Cup kung saan dumating siya bilang kapalit ni Ronald Roberts. Sa kasamaang palad ay hindi umabot sa quarterfinals ang Beermen.
Subalit si Reid ay hindi naman talaga para sa Commissioner’s Cup kung saan undersized siya bilang import. Siya ay inireserba ng Beermen para sa Governors’ Cup. At sa kasalukuyang conference ay hindi lang sa quarterfinals niya naihatid ang Beermen kundi sa semis.
Tinapos ng Beermen ang elims sa ikalawang puwesto kung kaya’t nagkaroon ng twice-to-beat na bentahe kontra seventh-seed Meralco. Nagwagi ang Bolts, 106-99, sa Game One noong Sabado subalit nakabawi ang Beermen, 102-86, noong Lunes upang makarating sa semis.
Ang Rain or Shine, na pumangatlo sa elims, ay nagwagi kontra No. 6 seed Barako Bull, 134-132, sa double overtime noong Sabado upang dumiretso sa semis.
Si Reid ay makakatapat ni Wendell McKines na isa ring top contender para sa Best Import award.
Ang iba pang sasandigan ni San Miguel Beer coach Leovino Austria ay sina reigning Most Valuable Player June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Ross.
Si McKines ay susuportahan nina Paul Lee, Gabe Norwood, Jeff Chan, Beau Belga at JR Quiñahan.
Magugunitang sa pagkikita ng Beermen at Elasto Painters sa nakaraang Commissioner’s Cup ay nagkabanggaan sina Reid at Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao. Bunga nito ay na-thrown out si Guiao.
Inaasahang madaragdagan ang drama sa seryeng ito bunga ng insidenteng iyon.
Ang mamamayani sa serye ng Elasto Painters at Beermen ay makakasagupa ng mananalo sa kabilang serye sa pagitan ng Alaska Milk at nagtatanggol na kampeong Star Hotshots sa best-of-seven championship round.