PINANGUNAHAN ni Vice President Jejomar Binay ang paglulunsad ng partido ng United Nationalist Alliance (UNA) kahapon kung saan no-show naman si dating pangulo at Manila Mayor Joseph Estrada.
Dumalo naman si pambansang kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na tumanggap ng pinakamalakas na palakpak sa pagtitipon.
“May karapatan naman tayong pumili ng nasa puso natin,” sabi ni Pacquiao nang tanungin kung hindi siya nanatatakot na pag-initan din ng administrasyon.
Si Binay ang hinirang bilang chairman ng UNA.
Inihalal naman si Navotas Rep. Toby Tiangco bilang UNA president; Sen. Gregorio Honasan; vice president; JV Bautista, secretary general; at dating finance secretary Gary Teves bilang treasurer.
Kabilang din sa dumalo sina Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, dating senador Ernesto Maceda, dating Zambales representative Mitos Magsaysay at iba pang mga mambabatas ng UNA.
Dumating din ang anak ni Binay na si Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay, na napilitan namang bumaba sa puwesto matapos ilabas ng Ombudsman ang ikalawang suspensiyon laban sa kanya.
Nang tanungin kung ikakampanya niya si Binay, hindi naman direktang sumagot si Pacquiao.
“Depende ‘yan, ‘di pa napag-uusapan. Nandito ako para suportahan ang deklarasyon ng party,” dagdag ni Pacquiao.
Kapansin-pansin naman ang hindi pagdalo ni Estrada, na isa sa mga nagbuo ng UNA, kasama ang nakakulong na si Sen. Juan Ponce Enrile.
Sinabi naman ng tagapagsalita ni Binay na si Mon Ilagan na may naunang lakad ang dating pangulo, bagamat inamin na nag-iisip pa si Estrada kung susuportahan si Sen. Grace Poe o tumakbo na lamang bilang pangulo.
VP Binay pinangunahan ang paglulunsad ng UNA; Erap Estrada no-show
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...