KUNG merong masamang ugali ang Pilipino, ito ay pagiging mainggitin.
Kapag may umaasenso, masama ang loob ng isa, hindi siya makapapayag. Kaya gagawa at gagawa ito ng lahat na paraan upang mapigil ang pag-asenso ng kapwa. Laging nakakabit sa katawan ang inggit na tinatawag.
Tulad ng mga Pinay OFWs na sina Agnes at Maura. Kasambahay sila sa tahanan ng isa sa pinakamayamang employer sa isa sa mga bansa sa Asya.
Naging paborito ng kanilang amo si Agnes. Madalas itong isama sa pangingibang-bansa ng kanyang employer. Nakagaanan agad siya ng loob pati na ng mga anak nito.
Ngunit hindi ito ikinasiya ni Maura. Palagi siyang galit kay Agnes. Inggit na inggit siya kung bakit ba paborito siya ng kanilang amo at hindi siya.
Ang inggit na ito ang siyang nagtulak kay Maura kung bakit hindi na siya makapagpokus sa kanyang trabaho. Palagi siyang nag-iisip kung paano niya pababagsakin ang kapwa Pinay na si Agnes.
Una, siniraan niya nang siniraan si Agnes sa mga kapwa kasambahay na iba’t-ibang mga lahi. Ginawan ito ng kwento at sinabi na sinisiraan silang lahat ni Agnes sa kanilang amo.
Kaya nagalit naman kay Agnes ang ibang mga kasamahan, at hindi na rin niya naaasahan ang kooperasyon ng mga ito upang mas mapabilis ang kanilang mga trabaho. Ni hindi niya mapakisuyuan ang ibang kasama, hinayaan nilang gawin ni Agnes ang lahat. May pagkakataong nararamdaman niyang sinisiraan siya ng mga ito sa kanilang amo.
Pero hindi ito naging balakid kay Agnes at higit niyang pinagbuti ang pagtatrabaho. Nakapokus siya sa pangunahing dahilan ng kaniyang pag-aabroad: ang mabigyan ng mabuting buhay ang pamilya sa kabila ng kanilang pansamantalang paghihiwalay.
Hindi madali para kay Agnes na iwan ang maliliit pang mga anak at umaktong ina sa mga anak ng kanyang employer.
Napakasakit sa kanya iyon. Ngunit kaya niya umanong tiisin ang lahat, alang-alang sa pamilya.
Hindi pa nakuntento si Maura sa paninirang-puri kay Agnes at sa bandang huli pinagbintangan na nilang magnanakaw si Agnes. Nagsumbong ito sa kanilang amo at nakita umano niyang nasa loob ng maleta ni Agnes ang ilang piraso ng alahas ng kanilang amo.
Nang pinagharap sila ng kanilang employer, natural na todo tanggi naman itong si Agnes dahil hindi naman daw niya talaga ginawa ang naturang bintang.
Nakisawsaw ang ibang kasambahay at sila man ay napaniwala na magnanakaw nga si Agnes. Sa puntong iyon nagalit ang kanilang employer at ipinatawag ang lahat na naninilbihan sa kanyang tahanan.
Ipinalabas nito ang mga kuha sa nakatagong CCTV camera na lingid sa kaalaman ng lahat na nakakalat pala sa buong kabahayan. Doon nakita na madalas mag-ipon-ipon ang mga kasambahay nang wala si Agnes. Nakita rin doon ang paglabas-pasok ni Maura sa loob ng kuwarto ng amo at may hawak na alahas. Iniabot ni Maura ang naturang alahas sa isa pang kasamahan at iyon ang alahas na itinuturo nilang ninakaw ni Agnes.
Sa galit ng amo, sinisante niya ang lahat na mga kasabwat ni Maura at pinaalis sa kaniyang bahay. Nawalan tuloy sila ng trabaho. Lahat ng iyon ay nag-ugat nang dahil lamang sa matinding inggit.
Ang moral lesson: Huwag pairalin ang inggit dahil ito ang magpapamak sa iyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
