APAT na araw na umanong palaboy-laboy sa NAIA Terminal 3 ang pinakabatang multi-awarded actor na si Jiro Manio, at nanghihingi ng pagkain at damit, ayon mismo sa ilang mga empleyado ng airport.
Suot ang t-shirt na galing sa isang estranghero, at shorts, si Jiro, na sa totoong buhay ay si Jiro Katakura, 23, ay pakalat-kalat sa terminal lobby kung saan naroroon ang hilera ng mga restaurant, at nanghihingi ng makakain.
Si NAIA terminal 3 security guard Frank Sorca, na unang nakakilala kay Manio, ay nakaramdam ng awa para sa batang aktor nang makitang palaboy-laboy sa loob ng terminal.
“Para siyang hindi kumain at ang kanyang mga damit ay madudumi,” kwento ng guard habang isinasalarawan ang hitsura ng aktor. Binigyan niya rin umano ito ng pagkain, malinis na damit at ilang gamit pampaligo.
Ngunit ang tanging ginamit lamang umano nito ay ang mga used clothes, at tumanggi na maglinis ng katawan, kahit ang maggupit ng kuko.
Nang tanungin ng security guard kung bakit siya namamalagi sa airport, sinabi umano ng aktor na umalis siya sa kanilang bahay dahil marami siyang kaaway roon.
Dumating umano ang aktor sa terminal na maraming sugat at galos sa katawan.
Ayaw na umanong umalis ng aktor sa terminal dahil doon ay hindi siya masasaktan.
“Pero nung magkita kami ng ibang araw, iba na ang kwento niya,” saad ng security guard, na may bahid ng paghihinala na maaaring mentally unstable si Manio.
Noong 2004, ang 12-anyos na si Manio ay nanalo sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) Award bilang best child actor para sa pelikulang Magnifico. Nanalo rin ito ng Gawad Urian at Luna or Film Academy of the Philippines bilang best actor para sa nasabi ring pelikula.
Ilang beses naipasok sa rehabilitation center ang aktor dahil sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.